Paul Gutierez

‘A million possible reasons’

April 23, 2024 Paul M. Gutierrez 91 views

NAGULAT tayo mga kabayan at kapatid sa midya, sa itinakbo ng radio program ni kasamang Weng Quejada ng K5 News FM Olongapo noong Lunes (11am-1pm) kung saan ang kanyang ka-tandem ay ang kanyang station manager na si kapatid Aileen Cuevas-Sanchez.

Kung matandaan, si Quejada ang agarang tinulungan ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) matapos dumanas ng matinding harassment—tinutukan siya ng baril sa mukha, ninakawan ng cellphone at binantaang papatayin—ng isang opisyal ng Primo Security Agency noong Marso 12 sa Angeles City. Ang isa pang kasapi ng midya na dumanas din ng harassment, si Joann Manabat ng Rappler ay nagdesisyon na hindi na magsampa ng reklamo.

‘Muntik “nadisgrasya” si Quejada sa kamay ng berdugong private security official dahil sa ginawa niyang pag-cover, kasama si Manabat at iba pang mga lokal na midya, sa isinasagawang demolisyon sa isang barangay sa Angeles, kung saan umabot sa 5 ang nasaktan, 2 sa mga ito ay sa tama ng baril.

Nagulat tayo, DOJ Usec. Jesse Andres ng AO35 at CHR chair Richard Palpal-latoc, dahil sa kanyang programa, dumiga ba naman itong si Quejada na “wala,” as in “bokya, zilch, zero” na naitulong sa kanya ang PTFoMS!

Bago niya sinabi ito, nagulat din si Manager Aileen (at kahit ang mga miron) sa tinuran ni Quejada na sa ginanap na hearing noong nakaraang linggo, nagsumite na pala siya ng ‘affidavit of desistance’ sa madaling salita, “umatras” na siya sa kaso. ‘For health reason’ at dahil ito rin daw ang “gusto” o “desisyon” ng kanyang mga “anak.”

Sa ganang atin, dear readers, “okay” lang naman ang kanyang desisyon na umatras na lang sa reklamo na “pinagtulungan” na maayos ng PTFoMS, DOJ/Angeles Prosecutor’s Office at PNP/DIDM, kasama ang buong pamunuan ng PRO3 sa ilalim ni RD Jun Hidalgo. Oh yes, “Kuyang” Gani Oro, buong “makinarya” ng PTFoMS ay kumilos upang matiyak na may hustisya para kay Quejada.

At pagkatapos ay sasabihin niya sa publiko na “walang naitulong” ang gobyerno/PTFoMS? Sobrang “foul” naman yata ito? Eh, “bakit” kaya tayo pinasalamatan ng CHR na may bukod na imbestigasyon sa insidente ng demolisyon sa Angeles at kahit sa hanay ng mga mamamahayag sa buong Central Luzon?

Kung naging “inutil” ang ating ahensiya, natitiyak natin na hanggang ngayon binabatikos pa rin tayo sa dami ng mga kritiko ng gobyerno.

Kasama na sa ating trabaho na makitang umatras ang mga ‘complainants’ sa kaso sa kung ano mang dahilan na gusto nilang ikatwiran. Aber, bukod sa kanyang kalusugan at kagustuhan ng kanyang mga anak, puwede pang magdagdag ng ano pa mang dahilan si Quejada dahil nga gusto na rin niyang magkaroon, aniya, ng ‘peace of mind.’ Ayaw din natin kasing isipin na may nangyaring ‘pre-trial agreement’ kaya pagdating sa korte, sa halip tumestigo, affidavit of desistance ang isinumite ni Quejada. Mas gusto nating paniwalaan na mas mahalaga sa kanya ang kanyang peace of mind at kalusugan kumpara sa iba pang konsiderasyon. ‘In fact, Quejada can come up with at least a million reasons for her change of mind,’ tama ba, Angeles Chief Prosecutor Oliver Garcia? Pero yung “makalimutan” mo ang mga tao at institusyon na nasa likuran mo sa panahong kailangan mo at batikusin pa nga sa “ere,” hindi naman yata maganda ‘yun. Ano sa tingin mo, KBP president Noel Galvez? Happy anib pala sa KBP! Mabuhay!

AUTHOR PROFILE