Default Thumbnail

‘Patas na paglilinis sa 4Ps’

August 10, 2022 Erwin Tulfo 533 views

TulfoUMARANGKADA NA ang ating paglilinis sa listahan ng mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang matulungan ang marami pang nangangailangan na di pa nakakatanggap ng ayudang ito.

Ngunit tinitiyak natin na ang mga matanggal sa listahan ay yung nakaahon na o makakaagapay at ika nga’y “makakatayo sa mga sariling paa.”

Ang mga dapat masipa sa 4Ps ay yung mga nakapasok dahil may koneksyon at may iba namang ikinabubuhay.

May nabalitaan nga kami na nagbenta ng lupain ngunit patuloy na tumatanggap ng 4Ps.

Dapat ring maalis ang mga nagsasangla ng kanilang 4Ps cash card o ATM card sa mga loan sharks partikular na yung mga nalululong sa bisyo tulad ng paglalasing, pagdo-droga at pagsusugal gamit ang pera mula sa 4Ps.

Kaya puspusang inaasyos ng kagawaran ang guidelines sa pagpapatupad ng 4Ps sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM) na maituwid at pabutihin ang naturang centerpiece program ng DSWD.

Araw-araw ko pong tinututukan ang gawaing ito na pagre-review at pagrerepaso ng mga guidelines o tuntunin sa paggagawad ng 4Ps benefits.

Sisiguruhin nating magiging “makatotohanan at patas” ang mga guidelines na yan na susundin ng ating mga social welfare workers sa paglilista ng 4Ps recipients sa buong kapuluan.

Linawin po natin na layunin ng 4Ps ay matulungan ang mga mahihirap na pamilya sa pagpapaaral at pangangalaga sa kalusugan ng mga bata habang ang mga magulang ay kapos sa kabuhayan.

Sa pagre-renew ng 4Ps benefits, dapat po ay may patunay na naka-enrol ang mga bata sa paaralan at may health record kabilang na pagbabakuna mula sa lokal na pagamutan.

Dapat ipakita rin ng mga magulang na sila’y naghahanap ng trabaho o pagkakakitaan o sumasailalim sa job training.

Maaaring gawin na ring requirement ang “random drug-testing” sa mga magulang na nasa 4Ps.

Linawin po natin na ang pagtanggap ng ayuda mula sa 4Ps ay hindi panghabang-panahon.

Ito ay may limitasyon dahil limitado ang budget para dito na inuutang pa ng pamahalaan.

Kasalukuyang nasa 4.2 milyong Pilipino na nasa katergoryang “Poor” o salat sa buhay ang tumatanggap ng ayuda sa 4Ps. Karamihan sa kanila ay ilang taon nang nakikinabang dito.

Dapat silang mga naka-graduate na ang mga anak at may hanapbuhay na ang mga magulang ay magbigay-daan naman sa ibang kapos-palad na mapabilang sa 4Ps.

Ilang milyon pang pamilyang Pilipino na nagdarahop ang matagal nang nasa Waiting List ng 4Ps.

At mas dumami pa ang mga naghihikahos dahil sa pang-ekonomyang krisis na bunga ng pandaigdigang pandemya ng COVID-19 nang higit dalawang taon.

Kabubukas pa lang ang mga negosyo at kababalik ng mga manggagawa sa trabaho, pumutok naman ang giyera sa Ukraine na bunsod ng pagtataas ng presyo ng krudo galing ibayong dagat.

Tinamaan pa ng kalamidad ang ating mga kababayan sa ilang rehiyon na dulot ng pagbabagyo, landslide, paglilindol at pagsabog ng bulkan. Sila ay atin ding patuloy na tinutulungan.

Huwag nating kalimutan ang panawagan ni PBBM na tayo’y magkaisa tulad nang ating ipinamalas sa pagluklok sa kanya sa liderato ng bansa sa harap ng matinding pagsubok at malaking hamon ng sama-samang pagbangon ng sambayanan.

AUTHOR PROFILE