
Mowelfund, State-of-the-Art ang bagong building
STATE-OF-THE-ART ang bagong tahanan ng Mowelfund sa Quezon City. Ang anim na palapag ay naglalaman ng post-production at iba pang technical facilities, pati na isang 54-seater theater na ipinangalan sa batikang director of photography na si Conrado “Dengcar” Baltazar.
Ang blessing ng bagong Mowelfund complex ay sinimulan sa isang Misa na pinamunuan ni Fr. Jose Luis Antonio.
Siyempre, naroroon ang chairman ng board of trustees na si Boots Anson-Rodrigo kasama sina Gina Alajar (vice chairman/treasurer), Rez Cortez (president), aktor na si Ricky Davao at marami pang iba.
Ayon kay Tita Boots, 12 years pinagplanuhan ang pagpapatayo ng building sa pakikipagtulungan ng Victor Consunji Development Corporation.
Sinimulan naman ang construction nu’ng 2019 sa paglalayong maka-generate ng sariling resources ang foundation na dati-rati’y dependent lamang sa institutional donors gaya ng MMFF at iba pang private benefactors.
“Mahirap umasa sa ganu’n lang, you will have to stretch a leg and think of ways to be sustainable. We’re always grateful to our supporters and donors. But at least we can say now na we can partly stand on our own. Malaki ang maitutulong nito sa sustainable development work, programming, staffing, programs, etc. ng Mowelfund,” ani Tita Boots.
Meron din silang kinuhang consultants na makakatulong sa pag-i-invest “to make sure our investments yield proceeds for our future and assist us in enhancing our funding further.”
Bukod dito, may business tie-ups din ang foundation sa social responsibility-based groups.
Ang lahat ng ito ay para sa pangarap na maging sustainable ang Mowelfund sa kanilang 50th year sa 2024.
“Para nakahanda na kami sa mga darating na taon. Hindi na namin iisipin saan kukunin ang pondo para sa suweldo, funding para sa iba’t ibang programa ng Mowelfund,” ani Tita Boots.