Aga1

Aga, game sa pagiging tatay ni Elijah

July 15, 2022 Ian F. Fariñas 364 views

BALIK-ACTING si Aga Muhlach sa kauna-unahan niyang movie serye na Suntok sa Buwan kasama si Elijah Canlas para sa Project 8, Cignal Entertainment at TV5.

Sa virtual mediacon kahapon, sinabi niya na sobra ang nerbyos niya sa first day ng shoot.

Pero dahil naniniwala siya sa proyektong inilapit sa kanya ng mag-asawang producer/direktor na sina Dan Villegas at Antoinette Jadaone, masaya siya na tinanggap niya ang proyekto.

Ang Suntok sa Buwan, na kinunan sa Baguio, ay kwento ng mag-amang Jimmy Boy (Aga), isang retiradong boksingero na may Stage 3 cancer, at Dos (Elijah), na pangarap sundan ang mga yapak ng ama bilang isang propesyonal na boksingero.

Kwento ni Aga, “Sabi ko dati, gagawa lang ako ng serye ’pag sa Baguio ang location, para malamig, kasi alam ko mahirap ang trabaho ng serye. Nag-offer na nga sila sa akin, via Zoom, and nu’ng in-offer nila sa akin, nagandahan talaga ako. Nagandahan talaga ako, ibang-ibang-iba talaga siya at hindi lang ibang-iba, feeling ko, bagay sa akin at kaya kong gawin. At the same time, Baguio pa location niya, parang nagkaproblema talaga ako du’n na parang sinabi ko, parang unbelievable na this is gonna happen. I’m gonna say yes. And the rest is history. We’re here now and I’m really excited and we’re really doing our best and ginagawa namin siyang parang pelikula.”

Bukod sa pagiging malapit sa puso ng aktor ang Baguio (kung saan sila ikinasal ng misis na si Charlene Gonzales), lingid sa kaalaman ng marami, passion din daw niya ang boxing.

Kaya naman ganu’n ka-excited si Aga sa Suntok sa Buwan na kung pwede nga lang daw niyang i-co-produce sa kalagitnaan ng shooting, ginawa na niya.

Anyway, bukod kay Elijah, ilan pang younger stars ang nasa cast tulad nina Maris Racal, Albie Casiño, Paulo Angeles at Awra.

Sabi tuloy ni Aga, “Until you work with the young ones, that’s when you realize na ‘oh, parang tumanda na nga ako.’ I also promised myself, not promised naman, but meron akong ano sa buhay ko noon na sabi ko, ’pag dumating ’yung panahon na I’ll be doing father roles, supporting roles, I’ll stop talaga. And I’m sticking to that. I’m sticking to that.

“That’s why I’m grateful na I’m offered this as a father role but it’s not a support. It’s a lead and iba ’yung istorya. Hindi ito ’yung drama na tatay-anak, walang nangyayari. Maraming aksyon, maraming sindikato, maraming nangyayari…

“So I think that’s one thing I can say right now, even in my 30s, in my 40s, I’ve always been ready na as long as people want me, may proyekto pang dumarating sa akin na magaganda, I’d still be there. Pero pagka nawala na ’yon, I will exit quietly. Parang mas gusto kong iwan ’yung pangalan ko na magaganda ’yung nagawa ko,” diin ng aktor.

Ipapalabas ang Suntok sa Buwan simula Hulyo 18, 7:15 p.m., tuwing Lunes, Martes at Huwebes, sa TV5.

AUTHOR PROFILE