
’Pulis’ hinablot cellphones ng 2 binatang naghihintay ng trike
TINANGAY ng isang nagpakilalang pulis ang cellphone ng dalawang binata habang nag-aabang ang mga ito ng tricycle sa Katipunan Avenue sa Quezon City, nitong Lunes ng gabi.
Ang mga biktima ay nakilalang sina Jhamille Obrar, 20, binata, at Jettro Terrobias, 21, binata, parehong residente ng Brgy. Loyola Heights, Quezon City.
Sa report ng Anonas Police Station (PS-9) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 9:24 p.m. (June 6), nang maganap ang panghoholdap sa harapan ng Savemore, Berkeley Residences na matatagpuan sa Katipunan Ave., Brgy. Loyola Heights, sa lungsod.
Batay sa imbestigasyon ni PSMS Mark Glenn Gumabay, nag-aabang umano ng tricycle sa harapan ng Savemore Berkeley ang mga biktima nang hintuan ng suspek na naka-helmet, nakasuot ng jacket at shorts sakay ng Black and Blue Yamaha Mio 125 at nagpakilalang pulis.
Hiningi umano ng suspek ang mga ID ng biktima habang ipinapakita nito ang baril sa harapan ng bulsa ng suot na jacket.
Dahil walang dalang ID ang mga biktima ay ipinakita na lamang ng mga ito sa dala nilang cellphone ang kanilang pagkikilanlan.
Nagulat na lamang ang mga biktima nang biglang hablutin ng suspek ang kanilang mga cellphones saka mabilis na tumakas patungong Southbound ng Katipunan Ave. Brgy. Loyola Heights, sa lungsod.
Natangay sa mga biktima ang Samsung A52 color black na nagkakahalaga ng P19,000 at blue Oppo A52 na may halagang P 13,000.
Masusi namang nagsasagawa ng iniimbestigahan ang mga awtoridad at inaalam pa kmung may nakakabit ng CCTV sa lugar na pinangyarihan ng holdap upang makilala ang kawatan.