Default Thumbnail

Bagong BRP Teresa Magbanua ilalaan para sa WPS patrol

May 19, 2022 Jonjon Reyes 319 views

GAGAMITIN sa pagpapatrolya ang bagong barko na BRP Teresa Magbanua ng Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea (WPS) sa sandaling makabalik ito mula sa Regional Marine Pollution Exercise (Marpolex) 2022 sa Indonesia.

Sinabi ni PCG Rear Admiral Bobby Patrimonio, ng PCG Marine Environmental Protection Command, na ang nasabing barko ay gagamitin sa “sovereign patrol” at palakasin ang maritime border security ng bansa.

Ayon kay Patrimonio, nagbigay ng direktiba si PCG Admiral Artemio Abu sa mga barko na muling magpatrolya sa WPS at Benham Rise.

Dagdag pa, ang BRP Teresa Magbanua aniya ay handa na maghatid ng mga kalakal at tao sakaling magkaroon ng maritime incident o anumang sakuna.

Sa ngayon ang BRP Teresa Magbanua at ilan pang barko ng PCG ay naglalayag na patungong Makassar, Indonesia para lumahok sa Marpolex 2022 na gaganapin sa Mayo 22 hanggang 29.

Makakasama ng PCG sa aktibidad ang Directorate General of Sea Transportation (DGST) ng Indonesia at Japan Coast Guard (JCG).

“Ang kahalagahan nito ay ang mapagtibay at paghandain iyong tauhan natin at saka iyong mga tauhan ng Indonesia in case of any transboundary oil spill,” sabi ni Patrimonio.

Ayon pa sa opisyal, ang “interoperability” nang barko ng PCG ay masusubok din sa panahon ng pagsasanay.

Nitong Lunes ay isinagawa ang send-off ceremony para sa BRP Teresa Magbanua bago naglayag para sa Marpolex 2022.

Kasama rin sa pagsasanay ang BRP Gabriela Silang, BRP Malapascua, at BRP Cape Engaño ng PCG.

Samantala, kinumpirma naman ng Philippine Coast Guard (PCG) na dumarami ang mga magingisdang Pilipino sa Pag-asa Island.

Sa deployment ng pinakamalaking coast guard contingent sa WPS mula 12 hanggang Mayo 14, 2022, nakapag-monitor na ang PCG ng 25 Filipino fishing boats na nagsasagawa ng fishing activities sa nasabing isla.

Namahagi naman ng relief supplies at COVID-19 kits ang PCG upang suportahan ang kanilang fishing operations.

Ayon kay PCG Commandant, CG Admiral Artemio M. Abu, ang makabuluhang pagdami ng mga mangingisdang Pilipino sa WPS ay nagpapatunay na ang pinaigting na presensya ng PCG ay nagpapalakas ng kanilang kumpiyansa at nagpapadama sa kanila na ligtas at protektado habang nangingisda sa mga katubigan ng mga lugar na ito.

“Through our continuous modernization, we ensure that our ‘kababayans’ can freely explore our marine resources while protecting our marine environment for the future generations,” dagdag ng Coast Guard Commandant.

Binigyang-diin ni National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) Chairman at National Security Adviser, Secretary Hermogenes Esperon ang pangangailangang hikayatin ang mga mangingisdang Pilipino na ipagpatuloy ang kanilang pakikipagsapalaran sa pangingisda sa WPS.

Binanggit din niya na ang pagtatayo ng fuel depot at ice storage plant sa Pag-asa island ay pagsisikap ng pambansang pamahalaan na tulungan ang mga mangingisdang Pilipino sa lugar.

Inatasan naman ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade ang PCG na tiyakin na matatamasa ng mga mangingisdang Pilipino ang mayamang yamang dagat at ligtas na makauwi sa kanilang mga pamilya.

“The PCG will always be in line with the direction of the national government to protect the country’s sovereign rights and safeguard every Filipino at sea,” ayon kay CG Admiral Abu. Ni Jon-jon Reyes

AUTHOR PROFILE