
Michael V tanggap na si ‘PBBM’
Pati ibang ‘kapinks’
TULUYAN nang natatanggap ng ilang mga taga-suporta nang mga talunang presidential candidates ang panalo ni incoming President-Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa halalan na ginanap noong Mayo 9.
Dahil sa sobrang laki ng kalamangan at botong nakuha ni BBM na umabot sa mahigit 31 milyon, wala ng magawa ang mga supporter na kinabibilangan ng mga artista at iba pang mga celebrity kundi tanggapin ang pagkatalo.
Ilan sa mga nagpahayag na ng pagsuko ay sina Michael V. na supporter ng talunang si Leni Robredo at Kristine Hermosa-Sotto na kilalang tagasuporta naman ng Lacson-Sotto tandem.
Nagpalit na ng kanyang profile picture sa Facebook na kulay pula si Kristine para ipakita ang pakikiisa sa pinili ng sambayanang Pilipino.
Ang sikat na host at comedian na si Michael V. na hayagang sinuportahan si Robredo ay nagpahayag na rin ng kanyang pakikiisa at tinanggap ang pagkapanalo ni Marcos sa pagkapangulo.
“Kulay PULA ang nanalo, Oo, tanggap ko na ito. Kahit PINK ang dugo ko mananaig ang RESPETO. Lahat kayo na bumoto at nagluklok sa kanya sa trono, kayo ang boses ng Pilipino kaya mananahimik na ‘ko,” sabi ni Michael V.
“Ngayon alam na natin kung sino lang ang malakas, Mabuhay ang bagong Pangulo ng Pilipinas,” dagdag pa ng host.
Isa pang supporter ni Leni na si Bovith Biber Basio Lenteria II ay nanawagan na din ng pakikiisa kay Marcos, na aniya siya ay taas-noo na ibinoto si Robredo pero dahil siya ay Filipino susuportahan niya si Marcos.
“I proudly voted for Leni Robredo. But, as as Filipino, I will fully support BBM and all of his good plans, because he is now THE PRESIDENT,” ayon kay Lenteria.
Samantala, ipinangako naman ni Marcos sa kanyang inilabas na vlog na hindi niya bibiguin ang sambayanang Pilipino na naniwala sa kanyang liderato, aniya tapos na ang halalan kaya wala nang kulay na dapat pag-awayan.
“Hindi namin kayo bibiguin, sa aking mga kababayan patuloy pa rin kami na humihingi ng suporta bilang isang bansa, noong panghuling miting de avance ay napansin ng karamihan na puti ang sinuot namin ni Mayor Inday at hindi ang aming mga campaign colors, ito ay sa kadahilanang ito ang sagisag ng aming mensahe na wala nang kulay o pulitika mula sa puntong ito, sabi ni Marcos.
“Tayo lahat ay Pilipino, isang lahi at isa ang patutunguhan, laging tatandaan na sa ating pagkakaisa at pagmamahal sa ating bansa tiyak na sama-sama tayong babangon muli,” dagdag pa ni Marcos.