
Sunog sumiklab sa likod ng ospital, mga pasyente nataranta
BAHAGYANG nagkaroon ng tensiyon ang ilang pasyente at ang staff ng Ospital ng Tondo, makaraang sumiklab ang sunog nitong Huwebes ng umaga sa Jose Abad Santos Avenue sa Tondo, Maynila.
Tinatayang aabot sa 12 kabahayan ang tinupok ng apoy na bahagya lamang na nadilaan ng apoy ang nasabing ospital.
Batay sa ulat ng Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Arman Reyes na na nasa likod ng ospital ng Tondo, bandang 9:30 ng umaga.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog na idineklarang “fire out” alas-10:49 ng umaga.
Ayon kay Jane Sobriedad, supervisor sa naturang ospital, walong pasyente na pawang mga senior citizen ang agad na inilipat sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) habang ang isa naman na naka-schedule na operahan ay pinauwi muna sa kanilang bahay.
Hindi na rin natuloy ang selebrasyon para sa 28 taong anibersaryo ng Ospital ng Tondo matapos na magkaroon ng sunog.
Kaugnay nito, nabatid na nahirapan ang mga bumbero na mapatay ang sunog dahil sa hindi makapasok ang fire trucks kaya minabuti na pagdugtong dugtungin na lang ang mga fire hose.
Patuloy naman iniimbestigahan ng Arson Division ang sanhi ng sunog at halaga ng mga napinsalang ari-arian.