
Gob next target ng ‘frame up’
Mga kaso laban kay Jaime Aquino, mga kasabwat, inihahanda na —
HINDI lang si Lopez, Quezon municipal councilor, Arkie Manuel Ortiz Yulde, ang target ng mga taong nasa likod ng kanyang pagkakulong sa kasong kidnapping, rape at serious illegal detention, nang higit animna buwan, bagkus umano si Quezon governor Danilo Suarez at pamilya nito.
Sa ginanap na press conference sa National Press Club (NPC) nitong Martes, Marso 1, 2022, ibinulgar ni Yulde at ng kanyang abogado na si Atty. Freddie Villamor, na balak ng grupong nagpakulong kay Yulde na idamay din sa kanyang kaso si Suarez at ang pamilya nito bilang bahagi ng kanilang plano para sa halalan sa Mayo 9, 2022.
“Ang hindi pa namin ibinubulgar dito pero lalabas sa aming reklamo, matapos masampahan si Konsehal Yulde ng mga kaso, sinampahan din ng kaso si Gob. Suarez at yung isa niyang anak base sa istoryang rape na ginamit laban kay konsehal,” ani Villamor.
“The bigger picture is to destroy the Suarezes,” dagdag pa nito.
Ang pagbubulgar ay batay sa deklarasyon ni Yulde sa media na tumanggap ng aabot sa P30 milyon si dating Pangasinan provincial correspondent, Jaime Aquino, at ang grupo nito mula sa ilang personalidad sa Quezon upang magtahi ng mga bintang laban kay Yulde at Suarez.
Tatlong mga kaso ng rape at kidnapping ang isinampa ng grupo ni Aquino laban kay Yulde sa mga korte sa Pasig, Quezon City at Pangasinan.
Bagaman nabasura ang mga reklamo sa Pasig at Quezon City sa kawalan ng ebidensiya at merito, lumusot naman ang kaso sa Rosales, Pangasinan, matapos sinadyang baguhin ng grupo ni Aquino ang tirahan ni Yulde nang ideklara sa reklamo na residente siya ng Rodriguez, Rizal at hindi ng Lopez, Quezon.
Ayon pa kay Villamor, ‘package deal’ ang P30 milyon na tinanggap ng grupo ni Aquino na ang mas malaking target ay ang mga Suarez.
Hindi naman mapigilan ni Yulde ang mapaiyak ng ikuwento ang naging pagkamatay ng kanyang mga magulang dahil sa kanyang sinapit.
Unang namatay ang kanyang ama nang kumalat ang balitang nasampahan na siya ng mga kaso noong Enero 2021 at sumunod naman ang kanyang ina ng arestuhin siya ng mga pulis-Pangasinan noong Setyembre 2021 matapos lumabas ang kanyang warrant of arrest.
Nakalaya naman si Yulde nitong Pebrero 9, 2022, matapos palitan ang piskal na humahawak sa rekamo laban sa kanya sa utos ng Department of Justice (DOJ) at lumabas sa mga imbestigasyon na pulos peke ang mga ebidensiyang isinumite sa korte, katulad ng pekeng complainant at pekeng medical certificate patungkol sa kanyang rape case.
Ani Villamor at Yulde, wala ring katotohanan ang mga kumalat na balita sa Quezon na sinuhulan nila ng P3 milyon ang korte sa Pangasinan at wala ring katotohanan na ‘out on bail’ lang si Yulde at patuloy na dinidinig ang kanyang kaso.
Idiniin ni Villamor na sa desisyon ni Judge Roselyn Andrada-Borja ng Branch 53, Regional Trial Court, Rosales, Pangasinan, binanggit na ‘fictitious’ o “peke” ang mga bintang laban kay Yulde, kasabay ng pagbabasura ng kanyang mga kaso at pagbabalik sa kanya ng kanyang kalayaan.
Balik-tanaw naman ni Yulde, nagsimula ang kanyang kalbaryo matapos niyang tugunan ang panawagan ni Suarez na magbigay ng ayuda at tulong sa mga taga-Quezon sa kasagsagan ng pandemya noong 2020.
Ikinagalit umano ng ilang personalidad sa Quezon ang kanyang pakikiisa kay Suarez na tulungan ang kanyang mga kababayan dahil sa pananalasa ng COVID-19 sa ginawa niyang pamamahagi ng mga ayuda mula sa Kapitolyo ng lalawigan sa kanyang mga kababayan sa Lopez.
“Panahon ng pandemya pero bakit pulitika at hindi pagtulong ang ginagawa nila,” ani Yulde, patungkol sa mga nagplano laban sa kanya.
Bukod sa ‘moral at spiritual support,’ hindi rin umano totoo na may iba pang tulong si Suarez kaya siya nakalabas ng bilangguan.
“Totoo, pinapahid ni Gob ang luha ng mga asawa ko at anak dahil sa awa sa kanila, pero bukod doon, wala na. Kung sinuportahan ako ni Gob, bakit higit anim na buwan akong nakulong? At bakit tumagal nang ganito ang mga kaso ko,” aniya pa.
Hindi pa rin umano niya alam kung paano niya mababayaran ang kanyang abogado.
Ngayon lang din umano nangyari sa Quezon na gumagawa ng mga kaso at nagpapakulong ng mga inosente ang mga naglalaban sa pulitika. “Sa totoong mga taga-Quezon, hindi pa nangyari ang ganito,” aniya pa.
Bukod kay Aquino, pansamantala munang hindi ibinunyag ni Villamor ang pangalan ng iba pang mga nagsabwatan laban sa kanyang kliyente habang inihahanda pa ang mga kasong isasampa laban sa mga ito.