Lacson1

Ping sa mga OFW: Masasandalan ninyo ang DFA

March 1, 2022 People's Tonight 739 views

SWAK sa batayan ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson ang mga ginagawang hakbang ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa pamumuno ni Secretary Teodoro ‘Teddy Boy’ Locsin, Jr. para matulungan ang mga overseas Filipino worker (OFW).

Batid ni Lacson na marami pa rin sa mga kababayan nating OFW ang nakararanas ng pang-aabuso sa mga dayuhang employer tulad ng pisikal at emosyonal na pananakit at hindi patas na pasahod sa mahabang oras ng pagtatrabaho.

Payo ng senador at presidential candidate ng Partido Reporma sa mga OFW, kung hindi natutuguan ng embahada ng Pilipinas sa bansang kanilang kinaroroonan ang mga hinaing na isinusumbong nila ay maaari umano silang direktang dumulog kay Secretary Locsin.

“Kung walang aksyon ‘yung embahada o ‘yung konsulada diyan, si Secretary Teddy Boy Locsin napaka-proactive, napaka-active niya sa Twitter account niya. So, siguro ang pinakamaganda ipagbigay-alam sa kanya diretsa kung ano ‘yung problema diyan maliit man o malaki,” sabi ni Lacson sa panayam ng Bombo Radyo, Martes ng umaga.

“Kasi namo-monitor ko siya e lagi siyang may ginagawang aksyon maski napaka-pangkaraniwang mamamayan ang dumudulog sa kanya mapa-passport man [o] ‘yung naaabuso ‘yung ating kababayan o OFW, talagang nandiyan siya (Locsin),” dagdag ni Lacson.

Kinilala ni Lacson ang pagiging ‘hands on’ ni Locsin sa pagtulong sa mga Pilipino sa Ukraine na kasalukuyang inaatake ng Russia. Personal na nagtungo ang kalihim sa nasabing bansa upang masiguro ang kalagayan ng nasa 300 nating mga kababayan.

Kasama sa mga plano ni Lacson at kanyang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang pagsasaayos sa mga serbisyo ng pamahalaan para matulungan ang lahat ng mga Pilipino anuman ang kanilang hanapbuhay.

Una nang sinabi ni Lacson na kung siya ang magiging susunod na pangulo, palalakasin niya ang trabaho at kabuhayan sa Pilipinas upang dumating ang panahon na magiging opsyonal na lamang para sa mga OFW ang magtrabaho sa ibang bansa dahil mas pipiliin na nilang dito manatili at makasama ang kanilang pamilya.

Find us online for more information

Website: https://www.reporma.ph/
Facebook: https://www.facebook.com/partidoreporma
Twitter: https://twitter.com/PartidoReporma

AUTHOR PROFILE