Kyline

Kyline ‘unbothered’ sa mga rebelasyon ni Jackie

April 29, 2025 Vinia Vivar 95 views

“Unaffected and unbothered.”

Ito ang mensaheng tila nais iparating ni Kyline Alcantara sa gitna ng mga isyung ipinupukol sa kanya.

Sa kanyang Instagram account ngayong araw ay nag-post ang Kapuso actress ng video niya kung saan ay makikitang masaya siyang naglalakad sa tila rooftop ng isang building.

Makikita rin sa isang pose niya na nakahilig siya sa barandilya na tila wala siyang pakialam sa mga intrigang kinasasangkutan ngayon.

Sa caption, aniya, “Happy 4.9 M,” na ang ibig sabihin ay ang kanyang followers sa IG.

Sa comment section ay nagkagulo ang fans ni Kyline at dinumog ng positibong reaksyon.

Nasa sentro nga ng kontrobersiya ang aktres dahil sa breakup nila ni Kobe Paras, na sinundan ng mga rebelasyon against her ng ina ng ex-boyfriend na si Jackie Forster.

Sa halos 15-minute video na inilabas ni Jackie sa kanyang YouTube channel at social media accounts ay nilinaw niya na walang cheating na naganap sa relasyon ng dalawa.

Tinawag niya ring toxic at violent si Kyline.

Ni-reveal din ni Jackie na matagal nang hiwalay sina Kyline at Kobe at ayaw lang daw ipaalam sa publiko ng management ng aktres.

Damay din sa galit ni Jackie ang pamilya ni Kyline dahil minaliit umano ng mga ito si Kobe.

Sa lahat ng ito ay wala pang pahayag ang mismong involved sa relasyon na sina Kyline at Kobe.

AUTHOR PROFILE