Marbil

Zero tolerance policy sa mga tiwaling pulis tiniyak ng PNP

April 29, 2025 Alfred P. Dalizon 87 views

TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng pamumuno ni General Rommel Francisco Marbil ang mahigpit na pagpapatupad ng ‘zero tolerance at no second chance policy’ laban sa mga tiwaling pulis.

Binanggit ng hepe ng PNP ang kanilang mahigpit na batas laban sa mga pulis na nasasangkot sa mga kaso ng paglabag sa tungkulin matapos na paalalahanan ng Pangulo ang 206 na miyembro ng PNPA ‘Sinaglawin’ Class of 2025 na tahakin lang ang tamang landas.

“Piliin ang marangal kahit walang parangal at ang paninindigan na tama kahit walang nakakakita,” sinabi ng Commander-in-Chief sa PNPA graduation rites sa Camp General Mariano N. Castañeda sa Silang, Cavite.

Gumawa ng history ang mga miyembro ng PNPA Class 2025 dahil sila ang unang PNPA batch na naging police lieutenants matapos ang implementasyon ng Republic Act 11279 na naglagay sa PNPA sa direktang pangangasiwa ng PNP.

Binanggit ni Gen. Marbil ang kanilang ‘zero tolerance at no second chance policy’ laban sa mga tiwaling miyembro ng kapulisan kasunod ng pagkaka-aresto ng pitong pulis na sangkot sa pangongotong sa isang negosyanteng Tsino sa Parañaque City.

Bukod dito, apat na pulis mula sa Police Station 14 sa Quezon City ang inaresto matapos matuklasan ang maling paghawak ng mga ebidensya at hindi pagsunod sa tamang proseso sa isang Oplan Galugad.

Isang pulis din ang nahaharap sa kaso ng pambubugbog sa isang menor-de-edad sa Quezon City.

Tinanggal rin sa pwesto ang buong District Special Operations Unit (DSOU) ng Eastern Police District (EPD) at ang kanilang direktor dahil sa mga alegasyon ng pangongotong kaugnay ng pagkaka-aresto sa dalawang Tsino.

Ayon kay Gen. Marbil, “maliwanag na paalala ito na sinumang pulis na magtataksil sa tiwala ng taumbayan ay mananagot sa batas. “Hindi natin palalagpasin ang ganitong klaseng kabaluktutan.

Gusto kong linawin: sariling desisyon ng mga pulis na ito na gumawa ng mali.

Kung mawalan sila ng trabaho o makasuhan, pinili nila ang landas na yun. Hindi poprotektahan ng PNP ang sinumang sisira sa tiwala ng publiko.”

Nakapagresolba ang PNP ng kabuuang 3,611 na mga kaso mula Abril 1, 2024, hanggang Abril 23, 2025, kabilang na ang 1,288 dismissals, 172 demotions, 1,456 suspensions at iba’t-ibang aksyon tulad ng forfeitures ng sahod, reprimands at mga restrictions.

Dagdag pa niya, “Gusto naming malaman ng publiko na ang PNP ay hindi kailanman magbibigay ng pangalawang pagkakataon o magkukunsinte ng sinumang dudungis sa aming mga uniporme.

Ang batas ay laging mananaig, at ang mga lumabag ay haharapin ang mga parusa.”

AUTHOR PROFILE