
Carlo Aguilar inilunsad komprehensibong plano vs baha para sa Las Piñas
SA pagdiriwang ng Earth Month, inilahad ni Las Piñas mayoral candidate Carlo Aguilar ang isang komprehensibong plano upang tugunan ang matagal nang problema ng pagbaha sa lungsod—isang isyung itinuturing na pinakamalubha ng mga residente, ayon sa pinakahuling survey ng Grassroots Analytics Philippines.
Ayon sa survey, malapit na konektado ang problema ng pagbaha sa hindi maayos na pamamahala ng basura. Itinuro ng mga residente ang maling pagtatapon ng basura bilang pangunahing dahilan ng madalas na pagbaha sa mga lansangan at komunidad.
Bilang tugon, inilatag ni Aguilar ang isang malawakang stratehiya na kinabibilangan ng pagsasaayos, pagpapalawak, at modernisasyon ng drainage system ng Las Piñas. Aniya, ang tag-init ay tamang panahon upang isagawa ang regular na paglilinis ng mga ilog, sapa, at daluyan ng tubig upang masiguro ang malayang pag-agos ng tubig.
“Ang pag-aalis ng bara sa ating mga kanal ay isang bahagi lamang ng solusyon. Kailangan din nating pagbutihin ang pamamahala ng basura at tiyaking aktibong kalahok ang ating mga komunidad sa pagpapanatili ng kalinisan at kaligtasan laban sa baha,” diin ni Aguilar.
Isa sa mga pangunahing hakbang ng kanyang programa ay ang pagtatatag ng mas episyente at organisadong sistema ng koleksyon ng basura. Ayon kay Aguilar, sa ilalim ng kanyang pamumuno, paiigtingin ng lungsod ang operasyon ng mga garbage truck na pag-aari ng lokal na pamahalaan sa halip na umasa sa mamahaling pribadong contractors. Sa ganitong paraan, mababawasan ang gastos at mapapabuti ang serbisyo.
Kasama rin sa plano ni Aguilar ang pagpapatupad ng malawakang kampanya para itaguyod ang tamang pagtatapon ng basura sa mga residente. “Mahalaga ang pagbabago ng asal pagdating sa wastong pagtatapon ng basura,” giit niya. “Kung hindi natin babaguhin ang ugali ng tao sa paghawak ng kanilang basura, hindi tayo magkakaroon ng epektibong waste management system.”
Binigyang-diin din ni Aguilar ang koneksyon ng pangangalaga sa kapaligiran sa pagpigil ng pagbaha. Bilang bahagi ng kanyang mas malawak na plano, balak niyang maglunsad ng malawakang kampanya sa pagtatanim ng puno at pagtutulak ng mga proyektong urban greening. Dagdag pa rito, nangako siyang mahigpit na ipatutupad ang zoning regulations ng lungsod upang mapigilan ang pagtatayo sa mga lugar na madalas bahain.
Kapwa idiniin nina Aguilar at ng kanyang running mate na si Louie Bustamante, na dati nang nagsilbing vice mayor at konsehal, na mahalaga ang partisipasyon ng buong komunidad upang maging matagumpay ang flood control program.
“Bawat isa sa atin ay kailangang kumilos para wakasan ang problema ng pagbaha—mula sa maayos na pagtatapon ng basura hanggang sa aktibong pakikiisa sa mga programa ng lungsod,” pahayag ni Bustamante.
“Sa Bagong Las Piñas, mababawasan ang pagbaha dahil sama-sama tayong maglilinis at magmamalasakit sa ating kapaligiran,” pagtatapos ni Aguilar..