
SP Chiz tiniyak kaligtasan, tulong sa apektado ng pagputok ng Mt. Bulusan
NANAWAGAN si Senate President Francis “Chiz” Escudero sa mga kababayan niya sa Sorsogon na maging mapagmatyag kasunod ng pagputok ng Mt. Bulusan noong Abril 28.
Ayon kay Escudero, na tubong Casiguran, Sorsogon, ang pagputok senyales para sa mga Sorsoganon, lalo na sa mga nakatira na malapit sa bulkan, na maging mapagmatyag at sumunod sa direktiba ng kinauukulan.
Binigyang-diin ni Escudero na ang pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon, katuwang ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), ang Office of Civil Defense (OCD) ng Department of National Defense, at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), nagsasagawa ng koordinasyon upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at magbigay ng tulong sa mga apektadong pamilya.
“Ating tinitiyak sa ating mga kababayan na handa na po ang mga evacuation center gayun din ang mga disaster relief personnel para mag-asiste sa kanilang pangangailangan kung sakaling patuloy ang mga aktibidad ng bulkan,” ayon sa senador.
Batay sa mga ulat, isa ang Mt. Bulusan sa mga pinakaaktibong bulkan sa Pilipinas.
Nagkaroon ito ng ilang phreatic eruptions sa nakalipas na siglo na nagdulot ng biglaang pagsabog.
Kasunod ng pagputok, inilagay ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Alert level 1 at nagbabala sa publiko tungkol sa mga posibleng panganib tulad ng ashfall at maaaring pagdaloy ng lahar.
Pinayuhan ng mga awtoridad ang publiko na iwasan ang apat na kilometrong permanent danger zone (PDZ) sa paligid ng bulkan.
Sa kasalukuyan, wala pang kumpirmadong ulat kung may namatay o malaking pinsala sa ari-arian dahil sa pagputok ng Mt. Bulusan.