
Mahirap o mayaman libre ang gamutan sa zero-billing program ng Pasig smart hospital —- Discaya
PASIG City — Makakaasa ang mga residente sa lungsod na ito ng bagong uri ng serbisyo kung saan sila’y makapagpagamot sa ospital na walang alalahaning bayarin.
Pahayag ito ni mayoralty aspirant Sarah Discaya matapos pag-aralan ang kakayahan ng pananalapi ng lungsod na, ayon sa kanya, sapat umano ang income nito upang tustusan ang hangad niyang Zero Billing Program sa mga ospital na pinatatakbo ng lungsod.
“Isang ospital na walang cashier ang pangako ko sa mga Pasigueño, kung saan pwede i-admit ang pasyente, lapatan ng kinakailangan na mga gamot, arugain ng mga mapag-alagang doktor at nurse at kung magaling na ay ipahahatid sa kanilang mga tahanan na walang pag-aalala sa bayarin dahil sagot ito ng City Hall,” pahayag ni Discaya, na kilala sa Pasig bilang Ate Sarah.
Kung palarin umanong mailuklok bilang alkalde sa darating na halalan sa May 12 ay maisakatuparan ni Discaya ang Zero Billing Program o cashier-less hospital sa ilalim pa rin ng platapormang ‘smart hospital’ ng Team Sarah kung saan modernong 11-palapag na pagamutan ang agad na maipatatayo.
Ipinaliwanag ni Discaya na masidhi ang kanyang pagnanais na agarang maipatupad ang maayos na health care services sakaling siya’ manalo sapagkat “ang karapatan umano sa buhay at kalusugan ay hindi dapat nakasalalay sa laman ng bulsa.
“The right to life and healthcare ay hindi dapat ipinagbibili. Dapat ito’y available sa mahirap o mayaman, kaya dito sa Pasig ay nais ko pong maramdaman ng bawat Pasigueño na sa panahon ng pangangailangan ay mayroong mga kamay na sa kanila ay aagapay, mga kamay na hindi manghihingi ng bayad kundi serbisyong tunay,” sabi ni Discaya.
Sinabi pa nito na tawag umano ng reyalidad ang pangangailangan para sa agarang pagpapatayo ng dagdag na ospital dahil sa sobrang lumalaki ang populasyon ng lungsod.
“Mahabang panahon na rin na walang naipatayong bagong ospital sa ating lungsod sa kabila ng halos dumoble ang bilang ng mga mamamayan na nangangailangan ng maayos na health care services,” dagdag niya.
Sa programang ‘smart hospital’ ay hindi lang umano dagdag na pagamutan ang nakapaloob kundi modernong mga pasilidad nito na kayang lunasan ang mga kumplikadong sakit at mga dalubhasang doktor at medical staff at sapat na mga gamot.