
Home delivery ng plaka, lisensya magsisimula na
MAGSISIMULA na ang Department of Transportation (DOTr) ng home delivery service para sa mga plaka at driver’s license ng kanilang mga kliyente gamit ang digital technology.
Tinawag na LTOTracker, ang bagong teknolohiya magbibigay-daan sa mga kliyente ng ahensya na subaybayan ang status ng kanilang driver’s license at mga plaka ng real-time at maipadala pa ang mga ito diretso sa kanilang mga bahay.
Sinabi ni DOTr Secretary Vince Dizon na aalisin ng LTOTracker ang old style na mahabang linya at walang katapusang paghihintay sa bawat transaksyon ng ahensya ngunit magkakaroon pa rin ng opsyon para sa mga mas gustong kunin ang kanilang mga dokumento nang personal.
Sinabi ni Land Transportation Office chief Vigor Mendoza III na layunin ng Motor Vehicle Plate Delivery Service at Driver’s License Delivery Service na tuluyang maresolba ang matagal nang suliranin sa backlog ng mga plaka ng sasakya na kinakaharap ng bansa mula pa noong 2014 at ngayon prayoridad ni Secretary Dizon.
Sa ilalim ng proyektong ito, sinabi ni Asec Mendoza na maaaring mag-log on ang mga may-ari ng sasakyan sa www.ltotracker.com, kung saan maaari nilang alamin ang status ng kanilang plaka, i-update ang mga detalye ng delivery at mag-book ng kanilang plaka para sa delivery.
Sinabi ni Asec Mendoza na ang platform nag-aalok din ng real-time na pagsubaybay, kaya’t maaaring makita ng mga user ang paglalakbay ng kanilang plaka mula sa LTO facility hanggang sa kanilang tahanan.
Siyam na courier service providers ang accredited ng LTO upang pangasiwaan ang paghahatid ng mga plaka sa buong bansa, kahit pa sa mga liblib na lugar.
“Bahagi ito ng aming layunin na mas mailapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa publiko. Sa tulong ng teknolohiya, maiiwasan na ang pagpunta pa nang personal sa mga tanggapan ng LTO, nakakatipid ito ng oras, pagod at iba pang resources.
Isa itong mahalagang hakbang tungo sa digitalisasyon ng aming mga proseso, alinsunod sa adhikain ng Pangulo,” dagdag ni Asec Mendoza.
Nauna nang nagsimula ang LTO ng pilot testing ng proyekto at napatunayan na ang LTO Tracker epektibo at maaasahan.
Sinabi ni Asec Mendoza na ang live testing phase ng LTOTracker naging malaking tagumpay, matapos makumpleto ang higit sa 8,000 na walang aberyang paghahatid ng mga plaka at lisensya.
Ayon kay Secretary Dizon, ang LTOTracker simula lamang ng isang malaking pagbabago sa LTO na may layuning ganap na gawing digital ang lahat ng serbisyo.
Ang inisyatibang ito nag-aalis ng red tape, binabawasan ang mga personal na pagbisita, at pinapalakas ang kaginhawaan, tinitiyak na ang mga mahahalagang serbisyo ng LTO nasa isang tap lamang.
“Magwawakas na ang panahon ng paghihintay ng oras sa pila. Sa LTOTracker, ang serbisyo ng gobyerno sumasabay na sa digital na panahon, na nagdadala ng bilis, kaginhawaan at transparency na hindi pa nararanasan,” ani Secretary Dizon.
Ang backlog ng mga plaka ng sasakyan naging sanhi ng pagkabigo ng milyun-milyong motorista.
Ang mga taon ng pagkaantala dulot ng mga isyu sa procurement, legal na labanan at mga hamon sa logistics nagdulot ng pinsala sa reputasyon ng sistema ng pagpaparehistro ng mga sasakyan.
Sa loob ng anim na buwan pagkatapos niyang maupo, nalutas ni Atty. Mendoza ang backlog ng mga plaka ng sasakyan, matapos niyang itulak ang pag-imprenta ng higit sa 800,000 plaka bawat buwan.
Pinalakas niya ang pagsusumikap na malutas ang backlog ng mga driver’s license, isang malaking problema ng LTO nang siya’y umupo sa puwesto, dulot ng kakulangan sa plastic cards.
Sa pamamagitan ng LTOTracker, sinabi ni Asec Mendoza na ang mga rehistradong may-ari ng sasakyan sa wakas matatanggap ang kanilang matagal nang hinihintay na mga plaka ng maginhawa at epektibo.
Bukod sa pagtugon sa pagkadismaya ng publiko, may mahalagang papel din ang delivery service sa pagpapalaganap ng road safety at pagsunod sa mga regulasyon.
Sa pagkakaroon ng wastong plaka, mas epektibong matutunton ng mga law enforcement officers ang mga sasakyan, na magpapababa sa bilang ng mga hindi rehistradong at ilegal na sasakyan sa kalsada.
Hinimok ng LTO ang mga may-ari ng sasakyan na bisitahin ang www.ltotracker.com at samantalahin ang makabagong serbisyong ito.