
Bentahan ng mataas na uri ng armas sa social media, buking ng pulisya, isa arestado sa entrapment operation
ARESTADO ang call center agent na tumatayong courier sa bentahan ng mataas na uri ng armas sa social media makaraan ang ginawang entrapment operation ng pulisya Biyernes ng hapon sa Caloocan City.
Dinakma kaagad ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Paul Jady Doles si alyas “Marvin” 39, nang tanggapin ang P300,000.00 markadong salapi sa pulis na nagpanggap na buyer, kapalit ng isang Cal. 30 M1 Garand US Rifle at anim na magazine na may tig-walong bala sa loob mismo ng kanyang tirahan sa Phase 3, Block 82, Lot 22, Munting Nayon, Brgy. 176, Bagong Silang dakong alas-4 ng hapon.
Sa ulat ni Doles kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGEN. Josefino Ligan, nagsimula ang transaksiyon sa pagpo-post sa social media ng pangunahing suspek na nagpakilala sa alyas “Michael Cuevas” na siyang nag-alok ng ibinebentang armas na kalaunan ay natuklasang isa palang overseas Filipino worker (OFW) na naka-base sa Macau, China, at ginagamit bilang courier ang naarestong si alyas Marvin.
Nagawang makipag-transaksyon ni P/Capt. Mark Son Almeranez, hepe ng Intelligence Section, kay Cuevas nang alukin ng P300,000 na kinabibilangan ng isang tunay na P1,000 at 299 na piraso ng pekeng P1,000 na nabawi kalaunan kay alyas Marvin.
Kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na may kaugnayan sa Section 6 ng R.A. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) ang isasampa ng pulisya laban sa nadakip na suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.