Magi

Mapagganyak na mga titser

April 26, 2025 Magi Gunigundo 108 views

“Kung minsan ay nakakalimutan ng mga titserkung gaano kahalaga ang kanilang mga komento samga mag-aaral. Nakikita namin ang ilang titser nahindi kailanman nagsasabi ng magandang salita samga mag-aaral, at ang gayong pag-uugali ay hindimapapatawad!.”- Zhu Yongxin at Wu Zengjie

HINDI pinapansin ng mga pulis-trapiko ang mga naglalakad sa bangketa at mga sasakyan (dalawa, apat o higit pa ang gulong) na marahan ang takbo at sumusunod sa mga batas trapiko upang ligtas ang paglalakbay sa kalsada, at lalo pang hindi pinupuri at binibigyan ng pabuya ang mamamayang masunurin.

Pinagmumulta at binabalaan ang mga “jaywalker” at mga kamoteng tsuper na hindi tumigil sa pagpula ng ilaw, o gumamit ng bus lane sa EDSA. Sa konteksto ng pamamahala ng trapiko, akmaang modelong ito. Subalit hindi nababagay ang modelong ito sa loob ng paaralan sapagkat pinipinsala nito ang buhay ng mga estudyante ng mga titser na umaastang pulis trapiko.

Ang mga titser na umaastang pulis trapiko sa paaralan, sinasadya man o hindi, ay bulag sa magandang pag-uugali ng kanilang mga mag-aaral at pipi sa panggaganyak sa kanila sa pangamba na ang mga mag-aaral ay masobrahan ng pagpapahalaga sa sarilipagkaraan tumanggap ng papuri. Madalas pinapalaki ng titser-pulis trapiko ang maliliit na paglabag sa alituntuninng Kagawaran ng Edukasyon at sinasabon ang mgapasaway. Ang mga mag-aaral na laging nakikipagdaldalan at magulo sa klase ay pinapaupo sa harapang hanay at maaaring umabot sa pangit na eksena saseremonyas ng pagtatapos (tulad ng naganap sa Antique).

Pinapakitid ng titser-pulis trapiko ang mayamang konotasyon ng kanilang tungkulin na humubog ng mga mamamayan na mapanuring mag-isip.

Nilahad ni Dr. Zhu Yongxin (2016) sa kanyang aklat ang isang eksperimento ng mga mag-aaral na pinasagot sa mga tanong na may parehong antas ng kahirapan na sasagutin ng 15 minuto bawat araw sa loob ng limang araw. Pagkatapos ng unang araw, ang mga mag-aaral ay hinati sa apat na pangkat batay sa resulta ng ng mgasagot nila noon unang araw (ang mga miyembro ng bawat pangkat ay may parehong panimulang resulta.)

Ang apat na pangkat ay : 1.pangkat na binuhusan ng papuri ang kanilang mga sagot; 2. ang pangkat na binatikos ang kanilang mga sagot; 3. ang pangkat na hindi pinansin ang kanilang mga sagot subalit pinapakinig sa kanila ang mga papuri at pamumuna sa una at pangalawang pangkat; at 4. ang kontrol na pangkat (ang kanilang mga sagot ay hindi binigyan ng komento).

Kawili-wili ang lumabas na obserbasyon ng eksperimento. Ang unang pangkat na binuhusan ng papuri ay patuloy ang pagtaas ng mga marka sa limang araw na eksperimento samantalang pabagsak ang markang natitirang tatlong pangkat na inulan ng puna at ng hindi pinansin ang mga sagot. Pinapatunayan nito na mabisa ang pagpuri sa pagpapasigla ng mga bata para sa pag-aaral at “impetus” para sa mabuting pag-uugali kaysa paninisi, pagsaway at pisikal na parusa, pananakot at iba pang negatibong ugali na nakakapinsala sa pagpapahalaga sa sarili at tiwala sa sariling kakayahan ng bata. Ang mga bata sa tatlong pangkat ay dumanas ng pagkalumbay, lumabi ang pag-iingat para hindi magkamali at ng makaiwas sa parusa, at mga nawalan ng ganang mag-aral. Ang edukasyon ay hindi magiging kapaki-pakinabang sa paaralang pinapaligiran ng batikos at parusa, sabi ni Vissarion Belinsky.

Para sa mga guro, ang pagpuri sa estudyante ang pinakamadaling gamitin, pinaka-natural at pinaka-epektibong paraan ng pangganyak na nagpapadalas ng mabuting pag-uugali. (Robert Gagne, Teaching Psychology) Samakatuwid, ang tiwala sa sarili, inisyatiba, kasiglahan, at pagpapalabas ng makabuluhangpersonalidad ng mga bata ay nakasalalay sa pagpuri at pangaganyak ng kanilang mga magulang at guro. Ang pagbabasura ng modelo ng titser-pulis trapiko sa ating pang-edukasyon na diskarte ay tamang hakbang sa paghubog ng isang bagong henerasyon ng mga Pilipino.

Pinapaalala sa lahat ng titser na malaki ang epektong inyong pagpuri at pagpuna sa buhay ng inyong mga estudyante, kaya maging mapagganyak na titser at ihinto ang pagiging pulis trapiko.

AUTHOR PROFILE