
Kelot may kausap sa cellphone itinumba
Isang lalake noong Miyerkukes ang napatay matapos pagbabarilin ng di-kilalang salarin sa Lungsod Silangan Main Office Brgy. Sta Cruz, Antipolo City, Rizal.
Ang biktima ayon sa mga pulis Antipolo ay kinilalang si alyas Michael.
Sa inisyal na imbestigasyon, batay sa CCTV Footages na naka-install sa pinangyarihan ng krimen, bandang 3:10 ng umaga ng April 23, 2025, ang biktima ay nakitang nakatayo hawak ang cellphone at may kinakausap nang biglang sumulpot ang hindi pa nakikilalang suspek mula sa bandang likuran at pinagbabaril ang biktima sa likod ng kanyang ulo saka tumakas sakay ng isang motorsiklo patungo sa hindi natukoy na lokasyon.
Dinala ng mga bystander ang biktima sa ospital ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga kapulisan ng nasabing siyudad.