
DMW pinalakas tulong sa OFWs na lubog sa utang
PINALAKAS ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga hakbangin para sa kapakanan ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa, lalo na ang mga nahaharap sa financial problems mula sa mga tinaguriang loan sharks.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, nakipag-ugnayan na ang kagawaran sa Hong Kong Police Force upang tugunan ang mga kaso ng mga OFW sa Hong Kong na nalulubog sa utang bunga ng predatory lending.
“Sa kasamaang-palad, legal sa Hong Kong ang 48% na interest rate. Pero aktibo tayong nakikipagtulungan sa Hong Kong police para tugisin ang mga nangha-harass,” paliwanag ni Cacdac.
Sa isang pagdinig sa Senado, ibinunyag ni Sen. Raffy Tulfo ang nakakabahalang datos ng mga OFW sa Hong Kong na nagpatiwakal dahil sa utang.
Ayon sa kanya, anim ang naitalang kaso ng suicide noong 2023, lima noong 2024 at isa na ngayong 2025.
Itinuro ni Cacdac na pangunahing sanhi ng mga kasong ito ang matinding stress dulot ng utang na may sobrang taas na interes.
Karamihan sa mga biktima mula sa mababang kita at nahulog sa patung-patong na utang mula sa mga nagpapautang na naniningil ng legal ngunit mapang-abusong interes, at sinasamahan pa ng harassment ng kanilang mga ahente.
Bilang tugon, isinama na ng DMW ang babala ukol sa mga delikadong pautang sa Post-Arrival Orientation Seminar (PAOS) para sa mga bagong dating na OFW sa Hong Kong, upang maturuan sila sa maayos na pamamahala ng utang at iwasan ang pagkuha ng maraming pautang.
Kasama rin sa mga hakbangin ng DMW, katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ang paglulunsad ng 24/7 hotline na bukas para sa mga OFWs at kanilang pamilya.
Layunin nitong maghatid ng maagap at may malasakit na suporta sa mga nangangailangan.
“Hindi lang ito basta hotline. Isa itong daluyan ng malasakit—hindi lang sila tatawag sa atin, kundi tayo rin tatawag sa kanila,” ani Cacdac.
Ang hotline center itatalaga sa DMW One-Stop Shop Action Center sa Makati City at pamumunuan ng 30 sinanay na dating OFWs bilang customer care support agents.