
2 nagbenta ng baril sa pulis, poseur-buyer pala, arestado
CAMP BGEN. Paciano, Rizal–Dalawang pinaghihinalaang sangkot sa pagbebenta ng hindi lisensyadong baril ang naaresto kasabay ng buy-bust noong Miyerkules sa Calamba City, Laguna.
Kinilala ni Laguna Police Provincial Director P/Col. Ricardo Dalmacia ang mga suspek na sina alyas Jose at alyas Erwin, na mga residente ng Calamba City, Laguna.
Sa ulat ng Calamba police sa pamumuno ni PLt. Col. Victor Sobrepena, nahuli ang dalawa matapos magbenta ng baril sa pulis na nagpanggap na poseur-buyer.
Matapos maaresto, nakumpiska sa kanila ang isang cal .38 revolver, dalawang bala, siyam na P1,000 note boodle money at isang P500.
Nasa kustodiya ng Calamba police ang mga arestadong suspek habang inihahanda ang mga isasampang kaso na paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Omnibus Election Code.