Cagayan

Mayor ng Cagayan inambush habang nangangampanya, patay

April 24, 2025 Alfred P. Dalizon 101 views

PATAY sa pamamaril si Joel Ruma, ang alkalde ng Rizal, Cagayan, at sugatan ang security niya habang nasa campaign rally sa Brgy. lluru Sur noong Miyerkules.

Ayon sa report, dakong alas-9:30 ng gabi binaril ang alkalde sa barangay hall ng Brgy. lluru Sur habang sugatan ang kanyang kasama na si Merson Abiguebel.

Isinugod sa Tuao District Hospital ang biktima subalit idineklarang dead-on-arrival ng attending physician.

Hindi nakilala ang mga suspek sa krimen, ayon sa report.

Kumilos ang mga pulis ng Rizal at iba pang himpilan ng Cagayan provincial police office upang tugunan ang insidente, ayon kay Police Regional Office (PRO)-2 director Brigadier General Antonio Marallag Jr.

Naglatag na rin ng mga checkpoints sa mga karatig-bayan upang madakip ang mga salarin.

Kaagapay din ng ang lokal na kapulisan and Cagayan PNP Provincial Forensic Unit upang masusing maimbestigahan ang pinangyarihan ng insidente.

Kinondena ni Brig. Gen. Marallag ang insidente at hinikayat ang mga posibleng saksi sa krimen na tumulong para malutas agad ang kaso.

Sinabi niya na ang mga pangalan ng informants ay mananatiling lihim.

“Mariin naming kinokondena ang karahasang ito, lalo na sa panahong tayo’y naghahanda para sa mapayapang halalan.

Hindi kami titigil hangga’t hindi namin naibibigay ang hustisya para sa mga biktima,” sinabi ni Brig. Gen. Marallag.

AUTHOR PROFILE