Nora

Koleksyon ng Nora Aunor movies, muling ipapalabas sa mga sinehan

April 24, 2025 Ian F. Fariñas 98 views

BILANG pagpupugay sa natatanging Superstar at National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor, inihahandog ng Viva Films ang “The Superstar Collection: A Tribute to the National Artist” simula ngayong Biyernes, April 25.

Ang nasabing tribute ay magbibigay ng pagkakataon hindi lamang sa Noranians kundi maging sa publiko na muling mapanood ang bawat klasikong pelikula ni Ate Guy sa big screen sa mas mababang ticket price na P150.

Kabilang sa line-up ng “The Superstar Collection: A Tribute to the National Artist” ang mga obrang “Beloved,” “The Flor Contemplacion Story,” at “Mananambal.”

Ang “Beloved”, na unang ni-release noong 1985, ay tinampukan ni Ate Guy kasama ang mga batikang sina Hilda Koronel, Christopher de Leon at Dindo Fernando sa ilalim ng direksyon ni Leroy Salvador.

Mula ito sa panulat nina Nerissa Cabral at Orlando Nadres.

Naghakot naman ng parangal ang markadong pagganap ni Ate Guy para sa 1995 crime/thriller na “The Flor Contemplacion Story,” na nagbigay sa kanya ng best actress trophies mula sa Gawad Urian, Film Academy of the Philippines (FAP) at iba pang award-giving bodies.

Base sa tunay na istorya ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa Singapore, ang “The Flor Contemplacion Story” ay dinirek ni Joel Lamangan mula sa panulat ng National Artist na si Ricky Lee.

Kasama sa cast ng pelikula sina Julio Diaz, Jaclyn Jose, Amy Austria, Ian de Leon, Vina Morales at marami pang iba.

Ang 2024 dark horror flick namang “Mananambal,” isa sa mga huling proyekto ng Superstar bago pumanaw, ay pinamahalaan ni Direk Adolf Alix Jr. kasama sina Bianca Umali, EA Guzman at Kelvin Miranda sa cast.

Ipapalabas ang mga nasabing film title sa lahat ng sangay ng SM Cinema, Robinsons Movieworld, Fishermall at Gateway Mall simula bukas, Biyernes, April 25.

AUTHOR PROFILE