
Trabaho nanawagan na magpatupad na ng Safety Adaptation Plan para sa manggagawa
NGAYONG Miyerkules, muling nanawagan ang Trabaho Partylist sa mga pampubliko at pribadong sektor na bumuo at magpatupad safety adaptation plan na akma sa kani-kanilang industriya at operasyon dahil maaaring ikamatay ng mga manggagawa ang kasalukuyang temperatura.
Ayon sa report ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), pumalo na nga sa 50°C o “dangerous level” ng heat index ang temperatura sa kalakhang Maynila at CALABARZON.
Ito na umano ang pinakamainit na temperaturang naitala ng PAG-ASA at hindi nalalayo rito ang init na nararanasan rin sa iba pang mga rehiyon.
Bilang pagkilala sa masamang epekto sa kalusugan na idinudulot ng matinding init gaya ng panghihina ng katawan, heatstroke, at paglala ng mga umiiral na kondisyon sa kalusugan, nanawagan ang tagapagsalita ng Trabaho na si Atty. Mitchell Espiritu sa mga ahensya ng gobyerno at pribadong mga employer na magpatupad ng alternatibong work arrangement.
Upang matiyak ang pagsunod ng mga manggagawa, hinimok ng tagapagsalita ang mga employer na ipabatid nila na ang mga hydration break na ito ay bahagi ng bayad na oras ng pagtatrabaho.
“Huwag din po nating hayaang mabilad ang mga mangagagawa. Responsibilidad po ng mga employer na bigyan sila ng sapat at naaayon na protective uniform laban sa init at polusyon,” dagdag ng tagapagsalita.
Ang panawagan ng Trabaho ay sang-ayon sa plataporma nitong siguruhin ang kapakanan ng mga manggagawa.