DA Source: PDIS

LDAG muling binuo ng DA

April 21, 2025 Cory Martinez 176 views

MULING binuo ng Department of Agriculture (DA) ang inter-agency Livestock Data Analytics Group (LDAG) upang mapalakas ang kakayahan ng ahensya na maipabatid ang mga desisyong nakabatay sa mga datos sa pangangasiwa ng meat at poultry sectors.

Sa inilabas na Special Order 599 ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., layunin ng pagtatag ng LDAG na masiguro ang katatagan ng merkado upang protektahan ang mga producer at consumer sa harap ng pabagu-bagong presyo at taas-babang supply.

Itinalaga si Undersecretary Dante Palabrica bilang LDAG Chairman at ang pangunahing papel ng grupo pabilisin ang pangungulekta, pag-analisa at pag-uulat ng mga datos ng livestock at poultry upang mapahusay ang pagpaplano, pagtaya at pagbalangkas ng mga polisiya.

“Kailangan nating i-update ang data sa takbo ng merkado at sitwasyon upang masiguro na ang mga binalangkas nating mga polisiya at mga ipinatupad na hakbang mabantayan at mai-promote ang paglago ng industriya at maprotektahan ang consumers,” ani Tiu Laurel.

Makikipag-ugnayan ang LDAG sa Philippine Statistics Authority upang matukoy at matugunan ang mga data requirement.

Makikipagtulungan din ito sa ibang mga ahensiya upang mangulekta at tipunin ang mga data sa livestock at poultry production, inventory levels, farmgate prices, cold storage stocks at gastos sa produksiyon.

Ang grupo ang magbibigay ng scenario-based at supply and demand na pananaw, magsaliksik ng trend analyses at maglabas ng regular reports tulad ng Livestock and Poultry Situationer.

Ipapabatid naman sa kalihim at iba pang opisyal ng DA ang mga makakalap na report sa mga pangunahing development sa karne ng baboy, manok, itlog at dairy sectors.

Magpapatupad din ang LDAG ng regular na konsultasyon sa industriya at stakeholders upang i-validate ang mga makakalap na datos at mapaganda ang importansiya ng makukuhang resulta at masigurong naaangkop ito sa aksiyon ng gobyerno at aktuwal na kundisyon sa merkado.

AUTHOR PROFILE