Aunor

Huling habilin ni Ate Guy ibinahagi ni Ian

April 20, 2025 Vinia Vivar 183 views

Bago pumanaw ay nagawang magbigay ng huling habilin ng Superstar at National Artist for Film na si Nora Aunor sa kanyang anak na si Ian de Leon.

Sumakabilang-buhay ang nag-iisang Superstar nitong nakaraang Miyerkules Santo, April 16, sa edad na 71.

Ibinahagi ni Ian sa panayam sa “24 Oras” na bago isugod sa ospital ang kanyang ina ay nag-usap sila via chat.

“Anak, pakihalik mo ako sa mga apo ko. Hug mo ‘ko sa kanila. Sabihin mo sa kanila na mahal ma mahal ko sila,” ang bilin umano ni Ate Guy kay Ian.

“Sabi ko, ‘Ma, ‘wag ka naman ganyan magsalita. Mag-a-outing pa tayo, magbe-birthday ka pa, magba-bonding pa tayo. ‘Yun na po ang huling chat namin, usap namin, and nasabi ko rin sa kanya kung gaano ko siya kamahal, kung gaano siya kamahal ng mga apo niya, kung gaano siya laging hinahanap gabi-gabi ng mga apo niya, ipinagdarasal niya,” pahayag ng aktor.

Kinumpirma rin ni Ian na hanggang sa huling sandali ng hininga ni Ate Guy ay naroroon silang mga mahal niya sa buhay.

“Lahat po kami, binantayan namin siya, talagang hindi po namin siya iniwanan sa tabi niya,” saad ni Ian.

Sa naturang panayam ay sinabi rin ng aktor na ang cause of death ng kanyang ina ay acute respiratory failure.

Matatandaan na sa press conference na ginawa sa Heritage Park last Maundy Thursday ay sinabi ni Ian na nagkaroon ng medical procedure si Ate Guy pero hindi ito ang dahilan ng pagpanaw niya.

“She was being operated on, and after that, she had a hard time breathing, and eventually, all things went downhill from there, and that’s why they had to do another procedure after that,” pahayag ni Ian sa presscon.

Kasalukuyang nakaburol ang mga labi ni Ate Guy sa Heritage Park sa Taguig.

Gagawaran siya ng state necrological services at ililibing sa Libingan ng mga Bayani bukas, Martes, April 22.

AUTHOR PROFILE