Tulfo

Ibalik na sa NFA pagbili ng palay, pagbebenta ng murang bigas -Cong. Tulfo

April 20, 2025 People's Tonight 198 views

PARA matiyak na may murang bigas na mabibili ang mga tao sa buong taon, suhestiyon ni ACT-CIS Erwin Tulfo ibalik sa National Food Authority (NFA) ang pagbili ng mga palay sa mga magsasaka para ibenta bilang murang bigas sa merkado.

Ayon kay Cong. Tulfo, “Wala kasing kakumpitensya ang mga rice traders sa pagbili ng mga palay sa mga farmers kaya binabarat nila ang presyo”.

“At dahil kontrolado nila ang presyo sa farmgate, halos ginto ang presyo pagpasa nila sa merkado”.

“Ngayon kung nariyan ang NFA, e di may murang bigas lagi sa merkado”, ani Tulfo.

“Napapanahon na rebisahin ng Kongreso ang Rice Tariffication Law dahil ito ang nag-alis sa NFA na makabenta ng murang bigas”, dagdag pa ng mambabatas.

Sa ngayon kasi tanging pag-iimbak na lang ng bigas para sa buffer stock ng bansa ang trabaho ng NFA.

“Few years ago lang bawat palengke may mga pwesto na may tinda ng NFA rice. May napagpipilian ang tao na murang bigas”, dagdag ni Tulfo.

“Ngayon kasi ang traders at retailers ang nagpe-presyo ng bigas. Walang kakumpitensya na NFA kaya sobrang mahal ng presyo ng bigas sa merkado ngayon”, paliwanag ni Cong. Tulfo.

Dagdag pa ni Tulfo, dapat ding ibalik ang may 20,000 na authorize rice retailers sa buong bansa para muling makapagtinda ng NFA rice.

Nangako itong agad na rebisahin ang RTL kapag pinalad na mahalal ito sa bilang senador sa darating na Mayo.

AUTHOR PROFILE