Scam

GCash nagbabala sa mga biyahero vs online scams ngayong Semana Santa

April 15, 2025 People's Tonight 194 views

NAGPAALALA ang GCash, ang nangungunang finance app sa Pilipinas, sa publiko laban sa tumitinding mga online scam ngayong papalapit ang Semana Santa at holiday season, kung kailan madalas bumiyahe at mamili online ang mga tao.

Ayon sa GCash, dumarami ang mga insidente ng panlilinlang na partikular na target ang mga biyahero at online shoppers. Kabilang sa mga karaniwang modus ay ang pamemeke ng online bookings ng biyahe at accommodations, kung saan nagpapanggap ang mga scammer bilang travel agency na nag-aalok ng “promo deals” na pawang scam.

“Mag-book lamang sa mga pinagkakatiwalaang website at app, at siguraduhing suriin ang contact details at reviews,” paalala ng kompanya.

Nagbabala rin ang GCash laban sa mga “too-good-to-be-true” vacation promos na kadalasang nagmamadaling humingi ng bayad ang mga scammer. Inirerekomenda nilang mag-background check at ikumpara ang mga presyo upang matiyak ang pagiging lehitimo ng alok.

“Ito’y madalas ginagamit ng mga scammer upang samantalahin ang excitement ng mga tao tuwing bakasyon,” dagdag ng GCash.

Dagdag pa rito, pinayuhan din ng kompanya ang publiko na umiwas sa pagbili ng counterfeit tickets, at tiyaking mula sa mga official ticketing outlets lamang kukuha ng mga ito. Ipinunto nila ang panganib ng mga pekeng travel agents at “lost luggage” scams na karaniwang ibinebenta online. May mga fixer din umanong nag-aalok ng ilegal na serbisyo tulad ng pekeng SIM cards na dapat iwasan.

Kaugnay nito, nagbigay babala rin ang GCash laban sa paggamit ng public Wi-Fi para sa sensitibong online transactions, pati na rin sa mga phishing attempts na kadalasang nagpapanggap bilang “free vacation” promos. Ayon sa kanila, dapat ding mag-ingat sa mga overpriced tours na inaalok ng hindi kumpirmadong operators.

Samantala, nauna nang pinag-ingat ng GCash ang publiko laban sa mga bagong scam techniques gaya ng video sharing, screen sharing, at shoulder surfing, kung saan diretsahang sinisilip ng scammers ang sensitibong impormasyon mula sa device ng biktima.

Hinimok ng GCash ang publiko na agad i-report ang anumang uri ng cybercrime sa kanilang platform o sa PNP Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) bilang bahagi ng kanilang layuning mapalawak ang ligtas na financial ecosystem sa bansa.

AUTHOR PROFILE