Gatchalian

Win nais tuldukan karahasan sa paaralan, mga kabataan

April 14, 2025 PS Jun M. Sarmiento 148 views

NANAWAGAN si Senador Sherwin Gatchalian ng agarang pagkilos matapos ang malagim na insidente ng pananaksak na ikinasawi ng dalawang mag-aaral sa ika-walong baitang sa Las Piñas City. Ayon sa mga ulat, ang krimen ay isinagawa ng tatlong kapwa estudyante sa labas mismo ng kanilang paaralan.

Itinuturing ni Gatchalian ang pangyayari bilang patunay ng mas malalim na krisis sa kabataang Pilipino, at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtutok sa moral at asal ng mga mag-aaral.

“When violence becomes the language of our youth, we must confront the hard truth: we are failing in our duty to raise a generation grounded in discipline and respect,” aniya sa isang pahayag noong Abril 13.

Hinimok ng senador ang mga kinauukulan na agad na panagutin ang mga sangkot sa krimen, at iginiit na hindi na dapat ipagpaliban ang mga hakbang upang maiwasan ang ganitong klaseng karahasan. Tinukoy niya ang lubos na pagpapatupad ng Good Manners and Right Conduct (GMRC) at Values Education Act bilang isa sa mga pangunahing solusyon upang maitaguyod ang wastong asal sa kabataan.

Bukod dito, binigyang-diin din ni Gatchalian ang papel ng mga magulang at pamayanan sa paghubog ng kabataan. Nanawagan siya sa mga lokal na pamahalaan na muling buhayin at palakasin ang Parent Effectiveness Service Program, na layuning suportahan ang mga pamilya sa pagpapalaki ng mga anak na may malasakit, disiplina, at mabuting asal.

Ang insidente sa Las Piñas ay nadagdag sa dumaraming bilang ng mararahas na pangyayari na kinasasangkutan ng mga kabataan, na siyang nagtutulak sa mga mambabatas at tagapagtaguyod ng edukasyon na paigtingin ang mga hakbang upang maitanim ang positibong pagpapahalaga sa susunod na henerasyon.