Maymay

Maymay inamin na may kanser ang ina

April 11, 2025 Ian F. Fariñas 207 views

EMOSYONAL ang naging pagharap ni Maymay Entrata sa Star Magic Spotlight presscon kahapon kung saan inamin niya sa kauna-unahang pagkakataon na halos dalawang taon nang nakikipaglaban kanser ang mommy niyang si Lorna.

Maluha-luha ngang ibinahagi ng Kapamilya singer/actress/model ang pangyayaring nagkaroon ng kumplikasyon sa kidney ang mommy niya hanggang sa mauwi ito sa Big C.

Dahil dito, ilang buwan na umano siyang pabalik-balik sa Japan kung saan sumailalim sa ilang medical treatment ang ina.

Doble pa ang sakit na pinagdadaanan ni Maymay dahil maliban sa ina, may sakit din ang lola niya na nasa Cagayan de Oro.

“‘Yung treatment niya tuluy-tuloy pa rin for dialysis,” ani Maymay. “Sabay sila, pero mas malubha lang ‘yung sa nanay ko.”

Dugtong pa niya, “‘Yung totoo, galing lang ako sa ospital kasi nga pabalik-balik kami sa ospital ngayon. Pero please po, huwag n’yo akong kaawaan. I just need your prayers lang. ‘Yun lang, ‘yun lang kailangan ko. Kaya isa sa mga pinakaayaw ko talagang mag-open up is ayoko ‘yung parang ano ba… ‘yung may awa kayo sa ‘kin.

“Pero ano, it will help me din para malaman n’yo kung saan ako nanggaling, ‘yun ‘yung nanay ko matagal nang may cancer, almost two years na. Kaya pabalik-balik ako sa Japan. Tapos ngayon, isa na lang sa pinaka-pinasasalamatan ko ay nakauwi siya two months ago. Kaya po hangga’t maaari po, eh, nandiyan ako, kami (ng pamilya) kasama siya.

“Tapos kagabi lang sinugod na naman namin siya sa ospital. ‘Yun ‘yung sinabi ko na hindi ako umabot sa hindi sobrang okay at super okay-okay, nandito lang ako (sa gitna) kasi ‘yun ‘yung time na hindi ako okay at nalampasan ko ‘yun.

“And dahil din ‘yun sa Panginoon siyempre. ‘Yung acceptance, kumbaga, nandu’n na. At nandito ako sa point na kung saan ay hangga’t may oras ako na makapiling ko ‘yung dalawang nanay ko (ina at lola), gagawin ko.

“Sobrang mahal na mahal ko sila, of course, sobrang hirap pero praise God talaga dahil sa support ng friends ko, ng pamilya ko, ‘yung mga co-workers ko, mga boss ko, ABS-CBN… Umabot din sa point na hindi ako okay or hindi ko na nakayanan ‘yung emosyon ko, nandiyan talaga sila lagi 100 percent na sumusuporta sa akin.

“So ‘yun, ’yun yung dahilan kung bakit on an off ako sa showbiz these past few years po,” paliwanag pa ni Maymay.

AUTHOR PROFILE