
Litrato ng diumano’y ‘anak’ ni Erich nag-viral sa socmed
MARAHIL dahil sa kasal ni Claudia Barretto kay Basti Lorenzo, viral ngayon ang larawan ni Erich Gonzalez at ng non-showbiz husband niyang si Mateo Lorenzo na may hawak na baby sa loob ng simbahan na kuha pa noong 2023.
Kapatid ni Mateo si Basti at dahil hot topic ang kasal nila, pwedeng sa kase-search ng mga tao sa pamilya ni Basti ay lumitaw ang larawan nina Erich at Mateo na tila nagpabinyag ng anak.
Mabilis itong kumalat sa social media at nagulat pa ang isang netizen na nag-share ng photo na may anak na pala si Erich.
Ang nag-post diumano ng larawan sa Facebook ay si Father Frankie Mabanta na siyang sinasabing nagbinyag sa baby na aniya ay anak nina Erich at Mateo.
Ang date ng nasabing post ay June 28, 2023 pa.
Makikita sa larawan na hawak ni Erich ang baby at katabi naman niya ang kanyang mister.
Naroroon din ang parents ni Mateo, ang business magnate na si Martin Ignacio Lorenzo at misis nitong si Leah de Leon Lorenzo.
Sa caption ay kinumpirma umano ng pari na anak nina Erich at Mateo ang kanyang bininyagan.
“3 generations… Accompanying the family in the Christian faith through the sacraments. Today, I baptized Jose Mateo. He is the son of Mateo Lorenzo and Erich Gonzales Lorenzo.
“I baptized Mateo, his father, in 1992, 31 years ago. He is the second of 12 siblings, all of whom I baptized.
“Mateo is the son of Martin Lorenzo and Leah de Leon Lorenzo. I officiated Martin and Leah’s wedding in 1998, 34 years ago,” ang nakasaad sa caption ni Fr. Mabanta.
Ang nasabing post/photo ay hindi na makikita ngayon sa FB account ng pari. It’s either binura raw niya ito o ginawa niyang private ang post.
Matatandaan na nagkaroon ng ispekulasyon three years ago na buntis si Erich pero wala naman siyang inamin tungkol dito. Wala ring larawang lumabas na pregnant siya at wala rin siyang ipino-post sa social media na kahit anong larawan about her supposed son.
Kaya naman ang daming nagulat na malamang may anak na siya.
Sa ngayon ay wala pang pahayag si Erich tungkol dito.
Ikinasal si Erich kay Mateo in an intimate wedding in Alabang in March 2022.
SHARON ’DI NAALAGAAN NI KIKO
Ibinahagi ni Sharon Cuneta ang pagka-miss sa asawang si Atty. Francis “Kiko” Pangilinan na dalawang gabi na raw hindi umuuwi sa panahon pa namang may sakit siya.
Sa kanyang Facebook account ay naglabas ng kanyang saloobin ang Megastar.
Aniya, “Ayoko nagkakasakit pag wala si Kiko. Namimiss ko ang asawa ko at ayoko natutulog ng wala siya! ”
Sey pa niya, “Iba kasi talaga mag-alaga ang asawa. Nakakainis din kasi kung wala akong sakit sana kasama niya pa ako mangampanya.”
Pero nakatakda na rin daw umuwi ang mister niya the following day.
“Okay lang uuwi na siya bukas, pero kung kailan ako sick nataon naman two nights siya wala… Okay lang po. Nilabas ko lang! Thank you po for praying for me. Love you all. God bless you,” aniya.
Matatandaang nagkasakit si Sharon last April 7 sa mismong kaarawan ng anak niyang si KC Concepcion. Nakadalo naman siya sa birthday celebration ng eldest daughter pero duwal daw siya nang duwal maghapon.
Nagpa-blood test siya kinabukasan at okay naman ang resulta kaya hindi niya rin alam kung ano ang dumapo sa kanya.
Sa latest update ni Shawie last Thursday ay nahihilo pa rin daw siya kaya most of the time ay nakahiga lang siya sa kama.