Noli Dating Bise Presidente Noli De Castro

PAGPAKALAT NG PEKENG BALITA NEGOSYO NA

April 8, 2025 People's Tonight 198 views

SINABI ni dating Bise Presidente at batikang mamamahayag na si Noli De Castro nitong Martes na dapat managot ang Meta, ang parent company ng Facebook at Instagram, sa pagkalat ng fake news, dahil ito ang pangunahing platform na nagpapalaganap ng disinformation.

Ipinahayag ito ni De Castro sa gitna ng pagdinig ng House tri-committee sa isyu ng fake news at disinformation, bilang tugon sa mga tanong ni House Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun.

“Naniniwala ho ako na ang Meta ay malaki ang responsibilidad dahil sila ang [may] means para maipakalat ‘yun eh, wala namang iba. Kung Facebook halimbawa, Facebook lang ang magpapakalat niyan. Wala nang iba. Facebook to Facebook. ‘Yung mga may Facebook,” ani De Castro.

Ikinuwento rin ni De Castro na madalas siyang naging biktima ng fake news, kabilang ang mga pekeng quote card at isang hoax noong 2021 na nagsasabing pumanaw na siya.

“Sanay na ako sa mga lumalabas na ganito. Ang first reaction ko ay gumawa ng paraan para ipakalat ko na fake nga ito, lagyan ng bold letter na fake,” aniya, habang inilarawan kung paano niya kinokontra ang maling impormasyon gamit ang social media at sa tulong ng kanyang mga kaibigan.

“Kami ho fortunately, kami sa media, sa mga broadcaster, nako-correct kaagad ho namin on the air. Pero ang kawawa ay ‘yung wala, walang means para maharang kaagad nila ang mga fake news na lumalabas against them,” aniya.

Ipinakita ni Khonghun kay De Castro ang isang viral quote card na maling iniuugnay sa kanya ang pro-Duterte statement, at isa pang post na nagsasabing hindi raw siya bumoto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil umano’y sinuportahan niya si dating Bise Presidente Leni Robredo—parehong itinanggi ni De Castro.

“Opo, alam ko ho fake ito. Kaya gumawa kaagad ho ako ng version ko at nilagyan ko po ng in bolded letter na fake,” sabi niya.

Binalikan din niya ang insidente ng death hoax noong 2021.

“Well, sabi nga nila, kapag ikaw ay nabalita na patay na kayo, ay mas hahaba ang buhay n’yo,” biro ni De Castro.

Pero agad din niyang idinagdag: “Pero may mga news naman na medyo masakit na, lalo kung affected ang ating bansa. Kung ako lang okay lang ‘yan pero ‘pag affected na ang bansa, iba na ‘yan.”

Nang tanungin kung sinubukan ba niyang alamin kung saan galing ang mga fake news, sagot ni De Castro: “Gusto ko hong alamin pero wala akong means na alamin kung papano eh. Kung ang Meta nga wala masyadong means para alamin eh.”

Aminado rin siyang hindi niya nai-report sa Facebook ang maling impormasyon.

“Hindi na po. Lately ko lang nalaman na kinakailangan pa palang i-report mo para umaksyon ho sila,” aniya.

Nagbabala rin si De Castro na hindi lang mga kilalang tao ang naaapektuhan ng fake news, kundi pati na rin ang ordinaryong mamamayan na walang access sa mga plataporma para ipagtanggol ang sarili.

“Masuwerte lang kami dahil mga broadcaster kami pero ang pangkaraniwang tao ‘yan ang madaling maapektuhan,” saad niya.

Binanggit rin niya ang aspeto ng kita sa likod ng disinformation online.

“Negosyo ho ito eh. Pati ang Meta, alam naman nila ‘yun, negosyo ho nila ‘yun eh. Huwag na tayo maging ipokrito ho dito,” giit niya.

Patuloy namang tinitimbang ng mga mambabatas ang mga panukalang batas na magpapataw ng mas malinaw na pananagutan sa mga platform gaya ng Meta kaugnay ng disinformation na pinapayagan nilang kumalat.

Binigyang-diin nila na hindi lang content creators ang may responsibilidad, kundi pati na rin ang mga platform na nagpapahintulot sa pagkalat ng ganitong mga content.

AUTHOR PROFILE