
Rebyu: ‘Sinagtala’ pelikulang magbibigay-aliw at pag-asa
SA trailer pa lang, all-praises na ang netizens sa bagong pelikulang ‘Sinagtala.’ “‘Di ko pa napapanuod, naiiyak na ako!” comment ng entertainment editor-columnist na si Jun Lalin. Pero likas na sentimental si JL, so, kailangang mapanood namin ang pelikula para malaman namin kung ano naman ang mararamdaman namin. Bagama’t magkakaroon ng ideya ang isang manonood sa trailer ng isang pelikula, hindi lubos na maa-absorb ang buong kuwento sa mahigit isang minuto lamang.
Masuwerte kaming naimbita sa premiere night ng naturang pelikula na ginanap sa SM Megamall Cinema 3. Ang ‘Sinagtala’ ay tungkol sa mga miyembro ng bandang ‘Sinagtala’ na ginampanan nina Glaiza De Castro, Rayver Cruz, Rhian Ramos, Matt Lozano, at Arci Muñoz. Matapos silang magkawatak-watak ay malalaman ang kani-kaniyang kuwento at matinding pinagdadaanan sa buhay.
Sa apat, nagsisilbing anchor o glue ang karakter ni Glaiza na nagbubuklod sa kanila. May madilim na nakaraan si Rayver, pero pilit niya itong ipinagwawalang-bahala, at kaugnay dito si Arci na may sarili ring dilim na tinatahak. Pilit namang hinahanap ni Rhian ang makapagbubuo sa kanyang katauhan at ang bagay na tunay na makapagpapasaya sa kanya. Samantalang si Matt, may itinatagong lihim na sa paniwala niya’y di matatanggap ng kanyang pamilya.
Pero paano ang kanilang gagawin kung mawala ang anchor o glue na nakapagbubuo muli sa kanila?
Punumpuno ng mga diyalogo ang pelikula na makapagbibigay-pag-asa sa manonood. Kabilang dito ang tanong ng character ni Glaiza, “Ano sa tingin niyo ‘yung purpose niyo sa buhay?”
Maayos kahit hindi linear ang paglalahad nito. At higit sa lahat, magbibigay ng aliw ang mga awitin na ang mga lead character ang nag-interpret, adapted man o orihinal tulad ng ‘Laho’ na sadyang ginawa para sa pelikula.
May malaking papel na ginagampanan ang musika sa pelikulang ito at mahuhulaang malapit ito sa puso ng direktor na si Mike Sandejas. Palabas na sa mga sinehan ang ‘Sinagtala’ sa Abril 2 sa buong bansa at malalaman na kung tulad namin, maaantig, maaaliw, masisiyahan, at magbubukas ang mga mata ng mga manonood.