
Balik tayo sa basics — pamilya!
PALAGI nating sinasabi rito na kung may dalawang anak ka na lumaki bilang mabuting tao, nabawasan mo ng dalawang mabigat na problema ang mundo.
Ang kaso ng pagpaslang ng isang bata sa kanyang kaklase ay isang ehemplo na hindi natin pinagaan ang bigat na dala ng ating lipunan.
Hindi natin kailanman bibigyan ng katwiran ang pananakit sa kahit anong panahon, lalo na sa mga batang nagsisimula pa lamang ng kanilang kasibulan.
Bullying ang sinasabing pinag-ugatan ng krimen at ito ay mariin nating kinukundena sa loob man o sa loob ng school campus.
Higit na dapat mabigyan ng atensiyon dito ay ang mga magulang sa magkabilang panig. Dito pumapasok ang problema natin na kahit ang pinakamatalinong bobo ay hindi masagot-sagot, ano ba ang nauna, manok o itlog?
Ang palaging bone of contention ay kung sino ba ang nauna. Sa kasong ito, mukhang doon sa bullying nagsimula ang lahat. Pero sabi nga, the end does not justify the means. Pero may mga sitwasyon talaga na huhugutin ang lahat ng nalalabi mong pasensiya hanggang sa makagawa ka ng mga bagay na hindi dapat.
Hindi magandang ugali ang pambubuly at lalong hindi tama ang pumatay.
Babalik talaga palagi tayo sa “original sin” o kung saan ba tayong lahat ng nagsimula—sa bahay. Ang mga batang pinalalaki natin sa loob ng tahanan ang magsasabi kung sa paanong paraan natin sila pinalaki kapag sila’y nagsimula nang lumabas ng ating mga bahay.
Ang paraan na kanilang pakikisalamuha sa kanilang kapwa, ang paraan kung paano sila tumutugon sa mga sitwasyon ang siyang magdidikta ng kanilang bukas.
Aminado ako na noong kamusmusan ko ay “alaskador” ako—baka nga hanggang ngayon ay ganoon pa rin ako. Pero puwede kong sabihin na ang madalas na pagiging mapang-asar ko ay para lang makapagpasaya, hindi magsimula ng gulo.
At lalong hindi para kutyain o apakan ang pagkatao ng isang nilalang. Karaniwan, sa barkadahan lang naman ito nangyayari subalit mga harmless alaskahan lang kaya wala naman akong record na napaaway, lalo na’t fun times lang ito nangyayari dahil nga masayahin lang ako..
Iba na iyong name calling, iba na iyong physical o nananakit ka na bilang bahagi ng iyong pang-aasar. Extreme bullying ang karaniwang pinagmumulan ng pananakit at pisikal na gantihan dahil hindi na bahagi ng katuwaan.
Kailangan nating turuan ang ating mga anak na matutong makipagkapwa at maalis ang superiority complex na karaniwang nakikita sa mga “matatapang” at mga nagmumula sa may “kayang nilalang.”
Pero sabi nila, ang madalas na batang bully ay nagmumula sa problemadong pamilya. Ang mga batang ganito raw ay kulang sa atensiyon sa loob ng tahanan na dapat tingnan ng mag-anak.
Baka dahil sa sobrang tutok natin sa mga nangyari sa ating paligid gamit ang social media ay nakakalimutan na natin ang mga obligasyon natin sa ating mga anak.
Back to basics tayo, sabay-sabay tayong magdasal at sabay-sabay tayong humarap sa hapag kainan bilang pamilya para muli nating maramdaman na ito ang pinakamahalaga sa lahat na gagabay sa ating mga anak pag labas ng ating mga tahanan.