
Chopper ni Sen. Bong, nag-emergency landing sa Cebu
Dahil sa isang saranggola, nag-emergency landing ang helicopter na sinasakyan ni Sen. Bong Revilla sa Cebu nitong nakaraang Biyernes.
Sa kanyang Facebook account ay ibinalita ng reelectionist senator sa pamamagitan ng video ang insidente.
Aniya, “Emergency landing po kami dito sa Cebu. Dapat papunta na ako ng airport but ‘eto…”
Makikita sa video na nasa isang open field sila kung saan lumanding ang kanilang chopper.
“’Yung nagpapalipad ng saranggola ay sumabit po sa helicopter, buti na lang, hindi kami nag-crash. We’re so lucky,” paliwanag niya.
“At least, we’re safe po, nakababa naman kami,” aniya pa.
Sa sumunod na video ay abot-abot ang pasasalamat ni Sen. Bong kay Lord dahil safe silang lahat. Nagkataon din na sa lugar na pinaglandingan nila ay may chapel kaya dumaan din dito ang action star para magpasalamat.
Sa isa pang hiwalay na video ay ipinakita naman ni Sen. Bong na nag-take off na sila ulit mula sa Cebu.
“Natanggal na po ‘yung tanse doon sa rotor, na-tsek na rin ‘yung main rotor. ‘Yung main rotor po ang tinaaman kanina. At least, we’re okay. Kung ‘yun po ay tumagal at medyo malaki-laki pa ‘yung tanse, maaaring mawalan ng kontrol ‘yung helicopter,” aniya.
“So, pa-take off na po ulit kami and papunta na kami sa airport. Pray for our flight. God is good,” dagdag niya.
Safe namang nakarating ang team ni Sen. Bong sa airport para sa flight nila pa-Iloilo, kung saan ay sumalo siya sa isang campaign rally.
Sa ngayon ay puspusan na ang pangangampanya ni Sen. Bong para sa nalalapit na May elections kung saan nga ay muli siyang tumatakbong senador.