Liza

PAL papalitan ang nawalang relo sa bagahe ni Liza

March 28, 2025 Vinia Vivar 192 views

Nawalan ng mamahaling Apple watch Ultra 2 at laptop sa kanyang luggage si Liza Dino-Seguerra nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) last Wednesday.

Ayon sa panayam sa dating chairperson ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) kasama ang mister na si Ice Seguerra sa TeleRadyo Serbisyo kahapon, galing siya ng San Francisco sakay ng Philippine Airlines (PAL).

“Pagdating ko, dumating naman ‘yung maleta. Siyempre, normally ‘pag dumadating naman ‘yang maleta, parang hindi mo naman siya chine-check agad sa loob, ‘di ba?

“So, pagdating namin sa bahay, eh, binili ko ‘to (Ice) ng watch, ‘yung Apple Watch saka laptop. Pagbukas namin, wala na talaga,” kwento ni Liza.

Sey naman ni Ice, napansin nila ang maleta na may cut na parang hiniwa ng kutsilyo.

Kaya ang ginawa niya ay nag-post siya sa kanyang Facebook para maipaalam ang nangyari.

Matatandaang nag-post si Ice na ganito ang nakasaad: “Hello NAIA 1! Kakarating lang ng asawa ko from the US via PAL flight. May nawawala pong dalawang items sa loob ng box at maleta niya. Pwede kaya makausap yung security niyo diyan? Para ma check yung mga lost items.”

Sumagot naman agad ang PAL at sinabi ngang aaksyunan nila ang nangyari.

Ayon sa mag-asawa ay nagsagawa ng imbestigasyon ang airlines at ina-update naman sila kung ano na ang development.

Pero hindi raw nakita sa imbestigasyon ang pagkawala ng mamahaling items matapos i-body search ang mga staff at i-tsek ang CCTV footages.

“So, hindi nila talaga alam kung saan (nawala),” saad ni Liza.

Pinaliwanag din ni Liza na kaya hindi na niya na-hand carry ang items ay dahil may dala na siyang tatlong laptop sa kanyang backpack at mag-e-exceed na siya sa kanyang limit.

Ang pasalubong ni Liza kay Ice ay nagkakahalaga ng $1,000 each kaya nagkakahalaga ng $2,000 ang nakuha sa kanila.

Ayon kay Liza, iko-compensate ng airline ang watch pero hindi ang laptop.

AUTHOR PROFILE