Myanmar

30 biktima ng illegal recruitment sa Myanmar nakauwi na sa PH

March 25, 2025 Jun I. Legaspi 236 views

LIGTAS na nakauwi sa bansa ang 30 Pilipinong biktima ng illegal recruitment at human trafficking mula sa Myanmar sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Pasay City noong Martes.

Ang repatriation naisagawa sa pamamagitan ng Philippine Airlines Flight PR 0733 sa tulong ng Philippine Embassy, Office of the Police Attaché at Migrant Workers Office sa Bangkok.

Binigyan ng mga serbisyong pangkalusugan, ayuda pinansyal at legal na tulong mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW), Bureau of Immigration (BI), Department of Social Welfare and Development (DSWD), National Bureau of Investigation (NBI), Department of Justice (DoJ) at NAIA Task Force Against Trafficking (NAIA-TFAT).

Bawat isa sa mga biktima nakatanggap ng P50,000 mula sa AKSYON Fund ng DMW at P10,000 mula sa OWWA upang makatulong sa kanilang pangangailangan.

Ang mga biktima patuloy na tutulungan ng DMW sa pamamagitan ng kanilang reintegration programs at upskilling training sa pamamagitan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang matulungan silang makapagsimula muli ng buhay.

Inaasahan pa ang pagdating ng karagdagang 176 Pilipinong biktima ng human trafficking na lulan ng chartered flight sa Marso 26, 2025.

Ayon sa ulat, ang mga biktima na-recruit sa pamamagitan ng WhatsApp, Facebook at Telegram bilang mga customer sales representatives sa Myanmar, ngunit nauwi sa kanilang pagsasamantala upang magtrabaho bilang online scammers.

Pinayuhan ng DMW ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at job seekers na mag-ingat sa mga pekeng job offers sa social media, partikular sa mga cryptocurrency at love scams, na kilala rin bilang “pig-butchering scams.”

Hinihikayat din ang publiko na mag-ingat at tiyakin ang kredibilidad ng mga recruitment agencies at job offers sa pamamagitan ng pag-verify sa DMW website (https://dmw.gov.ph/) at mag-ulat ng mga ilegal na aktibidad sa pamamagitan ng DMW Migrant Workers Protection Bureau’s official channels at hotline number +63 2 8721-0619.

AUTHOR PROFILE