Allan

Bentahe ng paparating na eleksiyon

October 28, 2024 Allan L. Encarnacion 243 views

ANG benepisyo ng paparating na eleksiyon, kahit anong kalamidad, hindi natitinag ang maraming namumulitika.

Nagkakaroon ng kompetisyon sa pagdadala ng ayuda, mga relief items at mga rescue teams.

Ang totoo, kahit tsismis pa nga lang ng bagyo, marami nang nagkakandarapa sa pagtulong dahil nga “tulong in aid of reelection.”

Iyong kakilala ko, umubo lang sa harap ng pulitiko ipinasugod na agad sa ospital. Lahat ng klase ng saklolo aabutin ngayon ng marami nating kababayan dahil nagkalat na naman ang mga “kumakalinga at nagmamalasakit” sa kanyang mga kababayan.

Marami na tayong napanood na ganyan sa pelikula at sa totoong buhay. Ang bentahe sa akin, maraming first hand information akong nakikita, lalo na iyong mga pulitikong totoong mabuti at pulitikong mapagkuwari.’

Dahil sa papalapit na eleksiyon, lahat halos ng sasabak sa eleksiyon ay “mabuting tao” kaya nalilito ang ating mga kababayan kung sino talaga sa kanila ang totoo at kung sino ang impostor!

Marami dyan, kapag nag-iikot sa mga barangay, kahit nagkakaliskis ka pa ng isda, kakamayan at yayakapin ka ni pulitiko. Iyong iba nga, naghihingalo ka pa lang gusto ka na bigyan ng libreng libing. Pati nga mga kapatid mong nag-aaral na gusto pang pag-aralin, kahit na mga graduate na kamag-anak mo, gusto pang pakuhanin ng training para daw mas gumaling

Lahat ng madaanan sa kalye nyo sinisipat, sirang kanal, maputik na eskinita, sirang basketball court, butas na bubong ng chapel, walang alulod na palengke at kung anu-ano pang kutkutin sa lugar nyo. Kulang na nga lang, ipaghugas ka ng pinggan or iligpit ang pinaghigaan nyo.

Ganoon sila kasidhi sa pagtulong, sa dami ng gusto nilang gawin para sa iyo, iisipin mong mga anghel sila na walang pakpak na pinadala mula sa langit.

Obserbahan mo na ang kilos niya kapag naiboto mo na siya. Sumusuka ka na ng dugo sa pag-ubo, papipilahin ka pa, halos titigil na sa pag-aaral ang anak mo dahil wala ka pambayad sa matrikula o pambili ng mga libro, sangkatutak na dokumento pa ang kailangan mong isumite para maabutan ka lang ng P500.

Hindi naman natin nilalahat, in all fairness, marami rin naman akong kakilalang pulitiko na totoong tao at hindi nagbabago sa pagtulong kahit nasa tuktok na siya ng kanyang posisyon. Pero malungkot mang isipin, konti lang silang ganyan.

Ang sukatan ko kasi sa pagtulong at basehan ng pagiging tunay na mabuting tao ay doon sa mga pagkakataong walang kamera, walang social media, walang anumang propaganda pero palaging naaasahan ng publiko. Ang totoo, kahit sa mga pribadong tao ay marami ring ipokrito, hindi rin ito monopolyo ng mga pulitiko. Iyong tipong tumutulong para lang may mai-post lang sa social media ccount niya!

Kaya kapag nakakita ako ng mga tutumulong nang walang kapalit at kahit anong benepisyo ng propaganda, sumasaludo ako sa kanila, pribado man o pulitiko. Mga ganyang tao ang gusto ko sanang dumami pa sa ating bansa para mas maraming mga kababayan tayo ang hindi lang nakakasangkapan sa kung anu-anong gimik at pagnanakaw ng iba para lang makapuwesto.

[email protected]