Joel

Papel sa hearing sa war on EJK nilinaw ni Sen. Joel

October 25, 2024 PS Jun M. Sarmiento 220 views

NILINAW ni Sen. Joel Villanueva ang kanyang papel sa nakatakdang imbestigasyon ng Senado simula sa Lunes hinggil sa war on drugs na dahilan ng extra judicial killings (EJK) ng administrasyong Duterte.

Kinumpirma niyang inanyayahan siya ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel, na siyang mamumuno sa Committee on Justice, upang maging acting Vice Chair ng Senate Blue Ribbon Committee.

“I need to be elected in the plenary. I am actually deeply honored,” sabi ni Villanueva sa isang Zoom interview.

Binigyang-diin ni Villanueva ang kanyang paglahok sa imbestigasyon magpo-focus sa katotohanan, pagiging patas at walang kinikilingan anuman ang kanyang opisyal na posisyon sa komite.

Inaasahang magiging masinsin ngunit episyente ang imbestigasyon, at iminungkahi ni Pimentel na tumuon ang imbestigasyon sa 6-7 witnesses, kabilang ang mga biktima ng EJKs.

Muling binigyang-diin ni Villanueva na ang layunin ng imbestigasyon para matuklasan ang katotohanan nang may “blank slate” o walang kinikilingan.

Magsisimula ang mga pagdinig sa Lunes, kung saan inaasahan ang pagdalo ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“I was the principal author in different resolutions condemning the killing of Kian delos Santos, Kulot, Arnaiz etc. And I think it is a good move for the Senate to conduct also a parallel investigation for the sake of fair play,” sabi ni Villanueva.

Si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, na nasasangkot sa war on drugs noong nakaraang administrasyon, ipinagtanggol ang kanyang mga aksyon bilang tagapagpatupad ng marahas na kampanyang kontra droga.

Ayon kay Sen. Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP), malinaw na wala siyang panghihinayang sa kanyang tungkulin sa kampanya sa kabila ng malawakang alegasyon ng EJKs.

Ipinahayag ni Dela Rosa ang kanyang kahandaang sagutin ang mga tanong ng kanyang mga kasamahan sa Senado sa imbestigasyon.

Nilinaw ni Dela Rosa na wala siyang pagsisisi sa pagtanggap sa hamon bilang PNP chief noon sa ilalim ng administrasyong Duterte.

“If you are going to give me the chance to do it again, I will do it again. The same approach, because as you know, you can’t fight a war, especially against drug personalities, by being decent, by being pa-cute, cute.

You have to be forceful enough to send your message down the spine of these criminals,” ani ni Dela Rosa.

Itinanggi ni Dela Rosa ang anumang maling gawain sa pagpapatupad ng kampanya at ikinagalak ang pagkakataon na magbigay-linaw sa mga kaganapan sa panahon ng war on drugs.

Sinabi niyang hindi siya naaapektuhan ng nalalapit na pagtatanong at nakikita niya ito bilang pagkakataon upang alisin ang mga alinlangan ng iba.

“And I won’t feel offended. Because kaya nga tayo na nagpasalamat na magkakaroon ng parallel committee hearing para to ferret out the truth.

Bakit ako ma-offend? Dapat lang itatanong sa akin ‘yan para mabigyan ng clarification lahat-lahat ng mga doubts nila,” dagdag ni Dela Rosa.

Sinabi rin ni Dela Rosa na inaasahan niyang makaharap ang ilang mahahalagang personalidad gaya nina Col. Jovy Espenido, self-confessed drug lord Kerwin Espinosa, dating general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na si Royina Garma at ang nagbitiw na commissioner ng National Police Commission na si Edilberto Leonardo.

Ang ilan sa mga ito, kabilang sina Espenido at Espinosa, binawi ang kanilang naunang testimonya na nagdiin kay dating senador Leila de Lima at sinabing pinilit umano sila ni Dela Rosa na akusahan siya ng pagkakasangkot sa ilegal na droga.

“Yes. I’m excited. Para sagutin nila ang mga tanong ko. Malalaman natin yan. Just observe on Monday. Tingnan natin kung ano mangyayari. Basta I am here to establish the truth,” paninindigan ni Dela Rosa.

Naunang nagpatotoo sina Garma at Leonardo sa quad committee ng House, na inihayag na may mga gantimpala para sa mga pulis na pumatay ng mga suspek sa droga.

Ayon sa kanila, ang perang gantimpala ay ipinamahagi ng isang staff ni Sen. Christopher “Bong” Go, na malapit na kaalyado ni Duterte.

Gayunpaman, binigyang-diin ni Dela Rosa na wala siyang intensyon na i-harass ang kanyang mga akusador ngunit determinado siyang ilatag ang katotohanan.

“I will not be extra careful as far as the truth is concerned. I don’t care who gets hurt with the way I speak because I am after the truth… I will be frank and candid to everyone as you know me. That’s how I’m doing this,” dagdag pa niya.

Kinumpirma ni Dela Rosa na nakipag-usap siya kay Duterte kamakailan, at tiniyak ng dating pangulo ang kanyang pagdalo sa Senate hearing sa Lunes.

Para kay Bato, ito ay isang mahalagang sandali sa imbestigasyon, dahil ang presensya ni Duterte maaaring magbigay ng mahahalagang impormasyon tungkol sa pagpapatupad ng war on drugs.

“Kilala ko mga kasamahan ko. Hindi naman sila mga bastos na namemersonal. They are gentlemen. Alam ko kanilang pagkatao. They will respect the former president,” sabi ni Dela Rosa.

“Tinanong ko lang siya (PRRD) kung he is willing to attend the Senate hearing. Sabi niya, A-attend ako.

Kahit sinong mag preside diyan… Sabi niya (President Duterte), whoever is handling that investigation, I will face anybody.”