
Pulis na iniuugnay sa pagpatay kay Mayor Halili na-contempt
NA-CITE in contempt ang isang pulis na iniuugnay sa pagpatay kay dating Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili, na pinaniniwalaang isa sa mga biktima ng extrajudicial killing (EJK) sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Si Police Capt. Kenneth Paul Alborta ay na-cite in contempt sa pagdinig ng House Quad Committee dahil umano sa pagsisinungaling na isang paglabag sa Section 11, Paragraph C ng House Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation.
Si Alborta ay makukulong sa detention center ng Kamara hanggang sa mapagtibay ng plenaryo ng Kamara ang ulat na ilalabas ng Quad Committee na pinamumunuan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers.
Si Abang Lingkod Partylist Rep. Joseph Stephen Paduano ay nagmosyon na i-cite in contempt si Albotra matapos na hindi masabi ang motibo sa pagpatay sa kanyang isang tauhan noong 2018.
“Napakasinungaling nito, Mr. Chairman. Kung hindi mo ma-corner, ‘di sasagot ng tama. Bata mo ‘yung dalawa, hindi mo alam?” sabi ni Paduano.
Sa pagdinig ng Quad Committee noong Oktobre 11, sinabi ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager at retired Police Colonel Royina Garma na naka-usap nito si Alborta at iniyabang nito sa kanya na sila ang pumatay kay Mayor Halilii na kasama umano sa “narco-list” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Halili ay pinatay ng isang sniper habang nasa flag ceremony noong Hulyo 2018.
Itinanggi ni Albotra ang sinabi ni Garma sa pagdinig ngayong Martes at iginiit na chismis lamang ito.
Iginiit naman ni Garma na nagsasabi siya ng totoo.
“Makukunsensya din po ‘yan kasi I treated him very well when I was the [Police] Director of Cebu City,” sabi ni Garma. “If he will sue me, I will face it. But I can look straight in his eyes. I am not lying, and he’s lying and cowardly for not mentioning the names he knows were involved in Mayor Halili’s killing. He knows it.”
Humarap din sa pagdinig ang dating konsehal na si Norvin Tamisin na nakulong ng pitong buwan matapos akusahan na sangkot sa pagpatay kay Los Baños, Laguna Mayor Caesar Perez noong Disyembre 2020.
Sinabi ni Tamisin na siya ay ginawang “fall guy” ng mga pulis.
Si Perez ay pinagbabaril at napatay sa loob ng compound ng munisipyo noong Disyembre 3, 2020. Siya ay kasama rin umano sa “narco-list” ni Duterte.
Noong 2016, inilabas ni Duterte ang listahan ng mga opisyal ng gobyerno na sangkot umano sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.
Tinaguriang“narco-politicians” ang mga ito at marami sa kanila ang pinaslang.