Forever

Eula: Euwenn ipinanganak para mag-artista

October 19, 2024 Ian F. Fariñas 214 views

HINDI pangkaraniwang bata ang tingin ng seasoned actress na si Eula Valdez kay Euwenn Mikaell, ang itinuturing na child wonder ng makabagong panahon.

Magkasama sina Eula at Euwenn sa pinakabagong serye ng Kapuso channel, ang “Forever Young,” na magsisimula nang mapanood sa GMA Afternoon Prime sa October 21.

Matagal na umanong wish ni Eula na makatrabaho ang multi-awarded child star na umani rin ng katakot-takot na papuri sa Netflix film na “Lolo and the Kid” kasama si Joel Torre.

Napansin daw kasi ni Eula ang pagiging extraordinary ni Euwenn nang una silang mag-meet.

“Nag-iisip siya,” kwento ng aktres sa ginanap na mediacon ng “Forever Young.”

Tuwang-tuwa nga raw si Eula tuwing nakakaeksena si Euwenn dahil sa likas na husay nito bagama’t napakabata nga.

Pagbabahagi pa niya, “Alam niya ang ginagawa niya. Parang pinanganak siya para mag-artista.

May times na focused siya, may times din namang naglalaro siya, gusto nang umuwi. Hindi siya pangkaraniwang bata. Hindi siya bata,” at nagtawanan ang lahat.

“Normal” naman ang reaksyon ni Euwenn sa sinabi ng mas senior co-star dahil madalas nga raw siyang sinasabihan ng ganito ng maraming tao.

If at all, nagpapasalamat siya na napapadali ang trabaho niya dahil aniya, “batikan po sila.”

Sa “Forever Young,” ginagampanan ni Euwenn ang papel ng pinakabatang public servant na si Rambo Agapito.

Si Rambo ay isang 25-year-old na na-trap sa katawan ng isang sampung taong gulang na lalaki dahil sa medical condition na panhypopituitarism.

Bukod kay Eula, kasama rin ni Euwenn sa cast sina Michael De Mesa bilang Eduardo Malague, Alfred Vargas (Gregory Agapito), Nadine Samonte (Judy Ann Agapito), Rafael Rosell (Albert Vergara) at James Blanco (Rigor Peralta).

Ang “Forever Young” ay nasa ilalim ng direksyon ni Gil Tejada Jr. kasama si Rechie del Carmen bilang associate director.

Mapapanood ito mula Lunes hanggang Biyernes, 4 p.m., simula October 21 sa GMA Afternoon Prime.

AUTHOR PROFILE