
Viva may apat na entry sa Sine Sindak Film Festival 2024
Nagbabalik ang inaabangang horror filmfest na Sine Sindak 2024 ngayong October.
Isang annual movie event na inihanda para sa lahat ng mahilig manood ng horror movies, mapapanood sa Sine Sindak: Ang Ika-5 Yugto ang full-length horror films na ipapalabas exclusively sa SM Cinemas simula October 30 hanggang November 5.
Ngayong taon, isa sa major film production companies ng bansa, ang Viva Films, ay magkakaroon ng apat na entries sa filmfest.
Mula sa produksyon na naghatid ng hit horror movies tulad ng “Deleter,” “Mary Cherry Chua,” “Marita” at marami pang iba, humanda sa pinakabago at nakapangingilabot na movie experience.
Abangan ang local film entries na “Pasahero” at “Nanay, Tatay” at ang dalawang foreign films na “The Thorn: One Sacred Night at House of Sayuri sa Sine Sindak 2024: Ang Ika-5 Yugto.
Mula sa Viva Films at JPHLiX Films, produced by Studio Viva production in cooperation with BLVCK Films at Pelikula Indiopendent, ang “Pasahero” ay isang suspense-horror film na pinagbibidahan nina Louise delos Reyes, Yumi Garcia, Katya Santos, Mark Anthony Fernandez, Keann Johnson, Andre Yllana, Rafa Siguion-Reyna, Dani Zee at Bea Binene.
Mula sa direksyon ng cult director na si Roman Perez Jr., ito ay tungkol sa pitong pasahero ng tren na magiging saksi sa isang karumal-dumal na krimen, pero pipiliing ‘wag makialam at manahimik na lang.
Hindi magtatagal ay bubulabugin sila ng kanilang konsensya at may mga haharaping kapahamakan na may kinalaman sa naging insidente sa tren.
Isang family horror naman ang aabangan mula sa writer/director ng “Mary Cherry Chua” at “Marita” na si Roni Benaid. Ang “Nanay, Tatay” ay pagbibidahan nina Aubrey Caraan, Andrea del Rosario, Heart Ryan, Elia Ilano, Jeffrey Hidalgo, Billy Vileta at Xia Vigor.
Ito ay tungkol sa tatlong dalagita na kukupkupin at patutuluyin ng mag-asawang nawalan ng anak. Aakalain nilang nakahanap na sila ng mapagmahal na pamilya. Ang hindi nila alam, ang bago nilang tirahan ay may kaluluwang hindi matahimik at nilalagay nito sa kapahamakan ang mga naninirahan dito.
Produced ng Studio Viva, ang “Nanay, Tatay” ay handog ng Viva Films at Happy Infinite Productions Inc.
Ipapalabas din ng Viva ang dalawang foreign films sa Sine Sindak, ang Indonesian Film na “The Thorn: One Sacred Night” at ang Japanese film na “House of Sayuri.”
Ang “The Thorn: One Sacred Night” ay tungkol sa isang lalaking nawalan ng pamilya dahil sa isang trahedya. Mababalot ng kababalaghan ang kanilang lugar at hihingin nila ang tulong ng lalaki para malabanan ito.
Matapos ang pagtulong, makakahanap ang lalaki ng mga bagong ebidensya tungkol sa pagkamatay ng kanyang pamilya at madidiskubre ang isang masamang espiritung gagambala sa kanya.
Ang “The Thorn: One Sacred Night” ay pelikula ng kilala at critically-acclaimed director na si Hanny Saputra.
Ang “House of Sayuri” naman ay isang Japanese film tungkol sa pamilyang lilipat sa pinapangarap na bahay. Ang hindi nila alam, ang bahay ay nababalot ng katatakutan at binabahayan ng isang espiritung nagdadala ng lagim sa sinumang nakatira rito.
Hango sa legendary horror comic ni Rensuke Oshikiri, ito ay pelikula ng kilalang Japanese horror director na si Koji Shiraishi.
Sa halagang P150 per screening, mae-enjoy na ang horror treats na ito. Kung gusto niyo naman ng all-day takutan, sa halagang P300, makakakuha na kayo ng all-day pass sa lahat ng entries.
Maaaring bumili ng tickets simula October 9.