Tolentino

Tolentino: Isyu sa pondo ng Sulu resolbahin

September 17, 2024 People's Tonight 296 views

NANAWAGAN si Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino na kagyat na resolbahin ang isyu sa pondo ng lalawigan ng Sulu matapos magdesisyon ang Korte Suprema na ihiwalay ito mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Paliwanag ni Tolentino, hindi naikonsidera ng pamahalaan sa paghahanda ng badyet ang posibleng epekto ng desisyon ng Mataas na Korte, kabilang na ang mga opisinang sangay ng BARMM na nakatalaga sa naihiwalay na probinsya.

Nauna rito’y ibinahagi ni Sulu Governor Abdusakur Tan sa senador ang ulat ng mga empleyado ng BARMM offices na diumano’y napagsabihan na hanggang Setyembre 10 na lamang ang kanilang sahod

Iniulat din ni Tan na walang sapat na pondo ang mga opisina ng BARMM sa Sulu para maipagpatuloy ang mga operasyon nito, kabilang ang upa at utilities, na hindi naman umano kayang saluhin ng pamprobinsyang pamahalaan.

Bilang tugon, siniguro ni Tolentino kay Tan na ipagpapatuloy nya ang paglilinaw sa isyu, lalo at binabalangkas din ng Senado ang panukalang badyet ng mga ahensya ng pamahalaan para sa susunod na taon.

Iniulat din ng senador na lagi nyang tinatanong ang mga kalihim ng ahensya kung paano nila pupunan ang puwang sa badyet ng Sulu dulot ng desisyon ng Korte Suprema.

Tinanong din ni Tolentino sa pagdinig sa badyet ng Department of Interior and Local Government (DILG) kung saang rehiyon mapapabilang ang Sulu sa ilalim ng Philippine National Police (PNP).

Ang tugon ng PNP, babalik ang Sulu sa Region IX (Zamboanga Peninsula), kung saan ito dating nakapaloob, ayon sa senador, na sinang-ayunan naman ni Tan.

AUTHOR PROFILE