
Pinakamalaking police station sa Metro Manila, itatayo sa Caloocan City
MAGIGING pinakamalaki palang punong tanggapan ng lokal na kapulisan sa buong Metro Manila ang itatayong headquarters ng Caloocan City Police sa Samson Road, Sangandaan na nasunog noong Nobyembre 14, 2017.
Pinondohan kasi ng P300 milyong piso ng tanggapan ni Caloocan 1st District Congressman Oscar “Oca” Malapitan ang pagtatayo ng apat na palapag na bagong headquarters na inaprobahan naman ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Bukod sa headquarters ng Caloocan police, gigibain na rin ang katabi nitong gusali naman ng Caloocan City Fire Station upang tayuan ng bago habang ang likurang bahagi na dating inookupa ng Philippine Postal Corporation ay pagtatayuan ni Mayor Dale “Along” Malapitan ng modernong sports complex.
Alkalde pa ng lungsod si Cong. Oca Malapitan nang masunog ang luma at gawa sa kahoy na headquarters ng pulisya subalit kahit nais niyang itayong muli ang punong himpilan, hindi niya ito magawa dahil ang lupang kinatitirikan ng nasunog na gusali ay pag-aari ng Philippine National Railways (PNR) na nasa ilalim ng Department of Transportation (DOTr)
Mahigit isang taon pa lamang noon bilang kongresista ng 1st District ng lungsod si Mayor Along Malapitan nang pakiusapan nila ng kanyang amang si Mayor Oca ang PNR at DOTr na payagan silang makapagtayo ng bagong police station subalit hindi ito naisakatuparan dahil lalabag ito sa panuntunan ng Commission on Audit (COA)
Nang isalang sa Commission on Appointment si DOTr Secretary Jaime Bautista, isa si Cong. Oca sa nagtulak upang makumpirma ang kalihim at ito ang naging daan upang maigawad sa Caloocan City ng PNR sa pamamagitan ng Deed of Donation ang tatlong ektaryang lupa sa Samson Road na pagtatayuan ng bagong Caloocan Police Station, gusali ng Caloocan Fire Station at modernong Sports Complex.
Sinabi ni Mayor Along na inaasahan nila na matatapos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na mangangasiwa sa konsturksiyon ng bagong police station ang pagtatayo nito bago sa kalagitnaan ng taong 2026.
Daloy ng trapiko sa Malabon, gumaan
NATUWA ang mga motorista sa malaking pagbabago sa daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa Malabon City dahil sa ipinatupad na bagong panuntunan na Ret. Col. Reynaldo Medina, Jr., ang hepe ng Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO) ng lungsod.
Nakipag-ugnayan kasi si Col. Medina sa pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), P/Maj. Cristina Matias, team leader ng Northern Highway Patrol Team, at saTraffic Motorcycle Riding Unit (TMRU) para sa mga sorpresang operasyon laban sa mga pasaway na motorista sa mga pangunahing lansangan.
Napansin marahil ni Medina na dinededma lang ng mga pasaway na motorista ang kanyang mga tauhan kahit ano pa ang gawin niyang reshuffle kaya kailangan na niya ang bangis ng MMDA Northern Highway Patrol Team at TMRU.
Sabi ni Medina, hindi naman talaga nagkukulang ang kanyang mga tauhan sa panghuhuli sa mga pasaway na motorista pero sadya raw talagang matitigas ang karamihan kaya iniba niya ang pamamaraan na naging epektibo naman.
Sa unang salyada pa lang kasi ng sorpresang one-time-big-time operation ng PSTMO, MMDA, TMRU at NPD Highway Patrol Team sa dalawang pangunahing lansangan na Gov Pascual Avenue at M.H. Del Pilar St, umabot kaagad sa 136 ang ang na-isyuhan ng Unified Ordinance Violation Receipt (UOVR) habang apat na e-trike at dalawang motorsiklo ang na-impound.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].