Chavit

FEEDING PROGRAM AT MEDICAL/DENTAL MISSION WALANG KINALAMAN SA PAGTAKBO NI CHAVIT

September 16, 2024 Ian F. Fariñas 366 views

HINDI inalintana ni dating Gov. Chavit Singson ang pagod nang magsagawa ng feeding program at libreng medical/dental mission sa New Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Payatas, Quezon City noong Sabado.

Pagkalapag mula sa biyahe abroad, dumiretso ang politiko/film producer sa BJMP para personal na saksihan at asikasuhin ang outreach program para sa 4,230 persons deprived of liberty (PDLs).

Tulad ng ginawa niyang paghahanda sa 2025 senatorial campaign kung saan nagpa-advance stem cell treatment siya sa Japan pagkaraan ng 12 taon, gusto rin niyag siguring malusog ang mga preso.

Ang medical/dental mission at feeding program ay bahagi ng programa ni Chavit na “Happy Life For All.” Kasama rito ang mga oportunidad sa kabuhayan paglaya ng PDLs sa kulungan.

Sey nga ni BJMP-National Capital Region (NCR) Chief Supt. Clint Russel Tangeres, ang programang ito ni Chavit ay promosyon ng good health at proper nutrition sa naturang facility.

Sa speech ni Chavit, sinabi niya na may mga oportunidad sa trabaho tulad sa Taiwan, na nangunguna sa pagpo-produce ng microchip sa mundo.

Bukod sa Taiwan, in demand din umano ang mga caregiver sa South Korea at Japan, na sa pamamagitan ng kanyang impluwensiya, ay makapagbibigay ng trabaho sa mga PDL paglaya sa kulungan.

Ipinaliwanag din ni Chavit na may mga kompanya at employer na hindi kumukuha ng mga aplikante na nakulong. Ito umano ang nag-udyok sa kanya para manguna sa pagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa mga ito na makahanap ng hanapbuhay.

Bagamat tatakbo sa 2025, iginiit niya na ang pagsasagawa ng medical/dental mission at feeding program sa Quezon City Jail ay walang kinalaman sa napipintong pagtakbo niya sa Senado.

Hindi rin kasi ito ang una at huli niyang pagsasagawa ng medical mission dahil diin ni Chavit, marami na siyang naisagawang civic-oriented programs, kabilang na ang pagbibigay ng bagong buhay sa mga PDL.

AUTHOR PROFILE