Allan

Penalty sa tsuper, penalty rin sa operator ng tollways!

August 26, 2024 Allan L. Encarnacion 296 views

WALA namang problema kung pagmultahin ang mga tsuper na matigas ang bungo sa pagdaan sa RFID- required tollways kahit mga walang load.

Malaking perhuwisyo naman talaga sila, lalo na iyong mga wala naman talagang RFID pero sumusubok dumaan sa may bayad na tollways tapos pag tapat sa booth tsaka mag-aabot ng bayad. Resulta, iyong mga nasa likod na may RFID ay nasa mercy ng bugok na tsuper. Hangga’t hindi sila tapos magbayaran at magsuklian, maghintay ka!

At habang nakikipagtalo ang tsuper sa takilyera, paghihintayin kayong lahat hanggang makagsundo sila! Noong una, isa lang ang bugok, nang sumunod na minuto, dalawa na sila! Sa halip na palabasin muna ang bugoy at paabangan sa kanilang enforcer, magdedebate muna sila!

May mga istilo naman ang ibang tsuper na alam na ngang insufficient ang load niya sa RFID, papasok pa rin at doon sa booth magpapa-load gayong may laading station naman sa mga entry area or sa mga gasolinahan or sa gcash or saanmang convenient stores.

Ang dami nang ways para makapag-load kung may RFID ka pero mas gusto talaga ng ibang tao ang nakakaperhuwisyo sa kanilang kapwa. Iyong Balintawak area na naging open toll bar madalas sa umaga, nadiskubre pa ng mga awtoridad na may ibang sasakyan, iyong isa 900 times dumaan nang wala talagang load ang kanyang RFID card. Ganyan kawalanghiya ang ibang tao kaya kung minsan, isinasara ulit ang toll bar.

Magpapataw na ng penalty sa mga walang load, walang RFID at mga hindi sapat ang load para matuto ang mga matitigas ang bungo na tsuper. P500, P1,00 hanggang P5,000 sa mga matigas talaga ang ulo at paulit-ulit lumulusot!

Okey lang sa akin yan pero gusto rin magkaroon ng two-way penalty. Ibig sabihin, huwag lang ang mga tsuper ang dapat parusahan. Maging ang mga tollway operators ay dapat mapatawan din ng penalty dahil madalas din palpak ang kanilang sistema.

Madalas, ang dahilan kaya nagkakaroon ng paghaba ng pila ng mga sasakyan kahit saan entry-exit ng mga Skyways, Nlex at Slex toll booth ay dahil hindi nagbubukas ang toll bar. Marami ka pang load, hindi naman sira ang iyong sasakyan pero hindi ka makapasok dahil ayaw tumaas ng toll bar.

Kahit naka-dunggol o nakadikit ka na sa censor at sa bar nila, ayaw pa rin bumukas kaya ikaw na walang kasalanan ang nagiging sanhi ng paghaba ng pila ng mga sasakyan. Hahanapin nila ang RFID card mo at babarilin ng censor gun nila. Makikita mo fully loaded pa pero hindi nagbukas ang toll bar.

Ngayon dito papasok ang two-way penalty system. Dapat, kahit isang beses lang pumalya ang censor ng tollways, bubuksan na ang toll area sa maghapon at turnoff na ang censor para hindi na kayo makasingil buong araw. Kung hindi naman sila papayag dito, dapat magbayad sila ng P100,000 penalty per day sa gobyerno sa bawat toll bar na hindi magbubukas.

Mahirap din kasing nakaturo ang isang daliri natin sa mga bugok na tsuper pero hindi alam ng mga tollways operator na apat na daliri ang nakaturo sa kanila! Malaki rin ang pagkukulang ng tollways operator kaya dapat bago nyo ipatupad ang mga penalty sa mga pasaway, ayusin nyo muna ang inyong sistema.

[email protected]