Suspek Ang Bgy. Canumay murder suspek at biktima ng pagpatay sa Bgy. Palasan.

2 murder suspek sa Valenzuela timbog

August 17, 2024 People's Tonight 191 views

VictimNATIMBOG na ng mga pulis noong Martes ang suspek sa karumal-dumal na pagpatay sa Brgy. Palasan, Valenzuela City noong Agosto 6.

Walang sinayang na oras ang Valenzuela City Police Station (VCPS) kaya natunton at natiklo ang suspek na si Michael Cisena, 42, sa Pili, Camarines Sur noong Agosto 13.

Natiklo ang suspek matapos ituro ng anak at asawa niya.

Nilinaw ng suspek ang tunay na intensyon kung bakit niya tinodas ang kanyang kapitbahay na si Atilano Delemos Tria, 68.

Ayon sa suspek, nagsusumbong daw ang kanyang anak na babae na binabastos siya ni Tria, at madalas daw hawakan at himasin ang kamay niya sa tuwing bumibili siya sa tindahan nito.

Sinugod ng suspek ang tindahan ng biktima, dumampot siya ng bote at nagtago sa palikuran ng biktima upang abangan ang pagpasok nito.

Nang makahanap ng pagkakataon, hinataw malapit sa batok ang biktima at nabuwal ito sa sahig.

Nang akmang aalis na ang suspek, hinablot siya ng biktimang nakahiga at nahiwa ang kanyang binti.

Doon sila nagpambuno ng biktima kung saan tuluyan nang tinapos ng suspek ang buhay ng matanda.

Gamit ang basag na nguso ng boteng tangan niya, ginilitan niya ng leeg ang biktima hanggang sa manghina ito at mawalan ng malay.

Bago umalis palayo sa ginawang krimen, pinatungan ng suspek ng drum at case ng softdrinks ang katawan ng biktima bago tuluyang lumabas sa pinto ng tindahan.

Kinabukasan pasado alas-5:00 ng hapon nadiskubre ang patay na biktima.

Umeskapo si Cisena patungong Novaliches, Quezon City upang magtago.

Ngunit dahil ayaw madawit ng kanyang kamag-anak, nagdesisyon ang suspek na lumipad patungong Bicol kasama ang kanyang ina, kung saan siya tuluyang natunton ng mga otoridad.

Samantala, sa hiwalay na kaso ng pagpatay sa Filrezam St., Brgy. Canumay West, nahuli na rin ng mga pulis ang suspek na si Elmer Mariano Perez, 23, ng Brgy. Wawa, Rodriguez, Rizal, sa pagpatay kay Joel Boado De Jesus, 41.

Bagamat wala pang malinaw na detalye sa naganap na krimen, dinampot at nakapiit ang kinilalang suspek sa himpilan ng VCPS.

Binigyang-pugay ni Mayor WES Gatchalian ang kapulisan ng Valenzuela dahil sa mabilis na pagkakalutas sa mga kaso ng pagpatay.

AUTHOR PROFILE