Allan

Diskriminasyon sa iba pang biktima ng rape at molestiya

August 9, 2024 Allan L. Encarnacion 270 views

PAKIRAMDAM ko sa ginawang imbestigasyon ng Senado sa alegasyon ng sexual advancement sa anak ni Nino Muhlach ay biglang na-discriminate ang bawat Juan, Juanita at Maria na dumanas ng ganoong senaryo.

Hindi naman natin kinukuwestiyon ang intensiyon ng komite ni Senador Robin Padilla na imbestigahan ang isyung ito dahil tiyak na hustisya rin naman talaga ang habol niya rito.

Wala tayong huhusgahan sa alinmang panig dito dahil unang-una wala naman tayong personal knowledge sa isyu at hindi rin natin kakilala ang nagrereklamo at inirereklamo.

Ano ba ang punto natin sa sinabi kong diskriminasyon sa mga pangkaraniwang tao ang agresibong imbestigasyon ng Mataas na Kapulungan sa kaso ng anak ng aktor?

Alam kayq ng mga Senador na ang average rape/sexual molestation sa bansa magmula January 2020 hanggang January 2023 ay nasa pagitan ng 3,700 hanggang 5,100 cases? Hindi pa kasama dyan ang sexual molestation.

Ibig sabihin, sobrang dami ng nabibiktima ng pagsasamantala sa mga kababaihan, bata, matanda, lalaki man o babae subalit hindi nabibigyan ng merito ng imbestigasyon ng Senado.

Ang pagtutok ng Senate committee sa kaso ng anak ng artista ay dapat ding magbigay ng atensiyon sa iba pang katulad na kaso ng mga pangkaraniwang mamamayan.

Ang puri ng mga prominenteng nilalang ay katumbas din ng puri ng mga pangkaraniwang tao. Kung ang imbestigasyon man ay in aid of legislation, hindi ko alam kung ano pa ang puwedeng mas mataas na parusa sa life sentence dahil wala naman nang bitay dito sa atin.

Kung ang pakay naman ay kasiguruhan na mababantayan ng management ang work place at hindi mangyayari ang sexual advanncement, karaniwan naman itong nagaganap sa mga tagong lugar or sa mga oras na wala namang nakakakita. Mulat naman tayong lahat sa masama at mabuti, alam naman natin kung hanggang saan lamang ang boundary sa trabaho man o sa personal na relasyon.

Ang pinupunto ko lang dito, ilang rape na at iyong iba nga ay pinapatay pa matapos gahasain pero wala tayong nakitang imbestigasyon tulag ng pagkaagresibo ngayon sa kaso ng anak ng aktor.

Marami dyan sa mga biktima, hindi na nagkaroon ng katarungan dahil hindi nahuli ang mga salarin. Mas maganda siguro kung mayroon mang mabubuong bagong batas sa inaakusang krimen ng sexual molestation ay mabayaran sila ng estado kapag hindi nahuli ng mga awtoridad ang mga inaakusahan sa loob ng panahong itatakda ng batas. Isama rin ang libreng psychological therapy and counselling sa mga nabiktima.

At dapat ay maipagkaloob ito sa lahat ng uri ng biktima, sikat man sila o hindi. Huwag lang puro sa sikat ang tingin, pantay-pantay dapat sa mata ng batas.

[email protected]