Edd Reyes

Banta ni Mayor Baste sa Police General, umani ng iba’t-ibang reaksiyon

July 31, 2024 Edd Reyes 311 views

UMANI ng samu’t saring reaksiyon ang pahayag ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa social media platform na “Basta Dabawenyo” na sasampalin niya si P/BGen. Nicolas Torre II kapag kanyang nakita.

Nagbuhos ng kanyang galit si Mayor Baste sa hepe ng Police Regional Office-Davao (PRO-11) matapos ang naganap na pagbalasa sa mga pulis sa Davao City at pagtatalaga ng bagong hepe ng pulisya ng lungsod na nauna ng idinepensa ni Gen. Torre na galing sa Camp Crame ang utos.

Patanong pang sinabi ni Mayor Baste sa lengguaheng Visaya kung ambisyon daw ba niya sa kanyang buhay ang manampal ng Heneral, kasabay ng pagsasabi na panay daw dakdak ng opisyal ng wala namang nalalaman.

Nakakalungkot lang na namumutawi sa labi ng opisyal na inihalal ng bayan tulad ni Mayor Baste ang ganitong pananalita na hindi magandang ehemoplo at posibleng maka-impluwensiya sa mga nakakarinig na kabataan.

Iniisip tuloy ng marami na baka naman naimpluwensiyahan si Baste ng kanyang ama na ang naging bukambibig, kahit noong Pangulo na ng bansa, ang saltiang “sampalin mo” kapag may nababalitaang tiwaling opisyal o kawani ng pamahalaan.

Magugunita na nag-viral din noong Hulyo ng taong 2011 ang video ng ginawang pananapak ni Vice President Sara Duterte, na noon ay alkalde ng Davao, sa court sheriff ng lungsod na nagpapatupad ng demolisyon.

Nagtatanong tuloy ang marami kung tama raw bang maging idolo ng kabataan na sinasabing pag-asa ng bayan ang mga opisyal na marahas ang kilos at pananalita.

Sa mensahe naman ni Gen. Torre sa broadcaster na si Anthony Taverna, iba raw ang pagbabanta sa salita at iba rin kung ito’y kayang gawin.

Mga mag-aaral ng Navotas City, ganadong mag-aral sa mga bagong gusali

BAGONG gusali na may mga bagong gamit ang sumalubong sa mga mag-aaral sa unang araw ng pagbubukas ng klase sa Navotas City na proyekto ni Mayor John Rey Tiangco.

Kabilang rito ang tig-apat na palapag ng San Roque Elementary School, Daanghari Elementary School at San Rafael Elementary School na may tig-8 silid-aralan at North Bay Boulevard Elementary School na may 12-silid aralan na may mga bagong gamit tulad ng bentilador..

Nagpasalamat naman si Mayor Tiangco sa Next Generations Advocate Foundation Inc, na tumulong sa kanya sa pagbibigay ng mga gamit, pati na rin sa ipinagkaloob nitong gamit sa Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM) laboratory ng Science High School at mga gamit sa San Roque Technological and Vocational High School para sa kanilang Shielded Metal Arc Welding (SMAW) laboratory.

Sabi ni Mayor Tiangco, tinutupad lang niya ang pangako na pagpapabuti sa mga pasilidad ng bawa’t paaralan na magkaroon ng maayos at komportableng mga silid-aralan, upang maging maginhawa ang pag-aaral ng mga estudyante para tuluyang matupad ang kanilang mga pangarap.

Pamilyang Navoteños, hindi kayang ilugmok ng kalamidad

MABILIS na nakabangon ang mga residenteng sinalanta ng Bagyong Carina nang matanggap kaagad ang kinakailangang tulong mula sa lokal at pambansang pamahalaan.

May 91,000 pamilyang Navoteño ang nabigyan kaagad ng tig-5 kilong bigas ni Mayor John Rey Tiangco habang katuwang naman ng alkalde si Cong. Toby Tiangco sa distribusyon ng 28,000 kilo ng isda matapos hindi makapaghanapbuhay dahil sa baha.

Sabi ni Cong. Toby Tiangco, naniniwala sila ni Mayor John Rey, na hindi madaling ilugmok ng kalamidad ang mga Navoteños dahil ilang ulit na rin naman silang sinalanta ng bagyo subalit nalagpasan nilang lahat ito sa suporta na rin ng bawa’t isa.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].

AUTHOR PROFILE