URC

DA, URC nag-collab para sa pagpapaunlad ng potato program

July 29, 2024 Cory Martinez 685 views

PUMIRMA para sa 5 taong kasunduan ang Department of Agriculture (DA) at Universal Robina Corp. (URC) para sa implementasyon ng Sustainable Potato Program (SPP) para mapaigting ang pagpapaunlad ng potato program ng pamahalaan.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., layunin ng programa na makabuo ng mapagkakatiwalaang seeds system, mapahusay ang mga potato farmers organization, mapayabong ang produksyon ng mga magsasaka at mapalaki ang kita ng mga nagtatanim ng patatas.

Dagdag pa ni Tiu Laurel, inaasahang magbebenepisyo ang mga potato farmers at ang industry sa positibong resulta ng SPP.

Tiniyak din ng URC na papaigtingin ang proyekto at palalawigin ang production area sa Cordilleras, Bukidnon at Davao sa pakikipag-partner sa DA at United Potato Producers of Benguet and Mountain province at iba pang asosasyon ng mga magsasaka sa probinsya.

Kamakailan, nagpamahagi ang URC ng 506 metriko tonelada ng high-quality seed sa tatlong rehiyon. Itinanim ang mga buto sa 202 na ektaryang lupa sa ilalim ng SPP.

Kabilang sa mga snack brand ng URC ang potato chips na ibinebenta sa Pilipinas at ibang bansa.

Nagbunga ang mga naturang buto ng may 45 metriko tonelada kada ektarya ng patatas na may kabuuang produksyon na 23,000 metriko tonelada.

Nakapag-generate ng gross income ng P920 milyon ang naturang produksyon na magbebenepisyo ang 14 na farmer organization.

“Since its inception in 2019, this program exemplified the power of public-private partnerships in driving positive change,” ani Tiu Laurel.

Sa ilalim ng kasunduan, mag-identify ang DA regional offices at URC at mamimili ng mga farmers group na makikinabang mula sa programa sa pamamagitan ng capacity building, training sa good agricultural practices, seed multiplication, pest at disease management, storage, handling at marketing.

Bukod dito, nangako din si Tiu Laurel na magbibigay ng karagdagang pondo para produksyon ng kalidad na planting materials na may target na dalawang milyong piraso ng Generation 1 seed na gagamitin para sa seed production simula sa 44 ektarya at pagkatapos ng three generation lalawak na ito sa 12,000 ektarya ng commercial potato production.

Nangako din ang kalihim na bigyan ang mga magsasaka ng nurseries, small machinery, storage at processing facilities.

Mandato naman ng Bureau of Plant Industry (BPI) na iproseso ang mga import permit kasama na ang pest at disease surveillance.

AUTHOR PROFILE